Isandaan at limapu’t tatlong (153) mga kabataan ang sinanay sa larong badminton at table tennis sa katatapos na Youth Sports Clinic na ginanap sa mga barangay ngayong buwan ng Setyembre.

Lumahok sa libreng sports clinic ang mga kabataang may edad 15 hanggang 20 na nagnanais na malinang pa ang kanilang husay at kasanayan sa paglalaro ng badminton at table tennis sa tulong ng mga beterano at decorated athletes ng munisipyo.

“Naging matagumpay ang ating sports clinic. Marami ang lumahok sa mga barangay at nakatutuwang makita ‘yung pagkahilig nila sa badminton at table tennis. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon sila ng libangan pagkatapos ng kanilang pag-aaral at gayundin napu-promote natin ang healthy lifestyle,” pagbabahagi ni Bb. Karen B. Andonga, local youth development officer-designate.

Maliban sa pagbibigay ng libreng pagsasanay, layon din ng aktibidad na humubog ng mga magagaling na atleta na maaaring kumatawan sa San Vicente sa mga palaro.

Ito ay inorganisa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez at sa pakikipagtulungan ng Sangguniang Kabataan Federation at SAVE Youth Organization.

Isinagawa ang Sports Clinic sa pamamagitan ng clustering upang maiging matutukan ang bawat kalahok at maiwasan na rin ang pagkukumpulan bilang pagtalima sa minimum public health standards may kaugnayan sa pag-iwas sa COVID-19.

Ayon pa kay Andonga, nakatakda ring magsagawa ng Municipal Tournament sa ika-30 ng Setyembre hanggang ika-1 ng Oktubre kung saan magtatagisan ng galing ang mga itinanghal na qualifiers sa bawat cluster.

Samantala, Pinasalamatan din niya ang mga nagsilbing tagapagsanay na nagbahagi ng kanilang mga kasanayan para sa mga nakababatang atleta gayundin ang iba pang naging kabahagi para sa matagumpay na pagsasagawa ng sports clinic.