san-vicente-palawan-solid-waste-collection-

Mahigpit na ipinapatupad sa munisipyo ng San Vicente ang “No Segregation, No Collection” policy.

Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources (MENRO) ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente, ang paghihiwalay ng mga nabubulok at hindi nabubulok na basura ay dapat na magsimula sa kabahayan, establisyemento at iba pang pinagmumulan nito.

Sa pamamagitan umano nito ay magiging magaan na lamang ang implementasyon ng programang Solid Waste Management sa munisipyo alinsunod sa Ordinance No. 17 series of 2006 o ang Integrated Solid Waste Management Code of the Municipality of San Vicente, Palawan.

Ipinapatupad din ng pamunuan ang “segregated collection” o iyong magkahiwalay na pagkolekta ng basura ayon sa uri nito.

san-vicente-palawan-solid-waste-collection

“Separate ang truck ng non-biodegredables at [iba rin ang sa] biodegredables. ‘Yun din ang regulation ng DENR – to make sure na segrated collection. Segragated at source and segregated collection,” saad ng kawani ng MENRO. Mayroong walong garbage truck ang munisipyo na sapat sa pagkokolekta ng mga basura sa sampung barangay na nasasakupan.

Sinabi ni G. Ian B. Echanes ng MENRO na araw-araw ang isinasagawa nilang koleksyon ng basura sa mga urban areas tulad ng Barangay Port Barton at Poblacion.

“Non-biodegradable sa umaga then sa hapon ang biodegradable kasi ang disposal niyan ay magkaiba,” ani G. Echanes, ang Program In-charge sa SWM.

Ito umano ay ayon na rin sa kautusan ng alkalde upang maiwasan ang pagdami ng mga insekto at pagbaho ng mga basurang nagmumula sa mga palengke, restawran at iba pang establisyemento.

“Sa ibang barangays na medyo malayo, ang schedule namin diyan ay once a week.Ang pick-up ay hindi sa mga bahay-bahay [kundi] nasa barangay at sitio MRF,” pagpapatuloy niya.

Base sa Solid Waste Collection Report ng MENRO, mayroong mahigit 300 kilograms ng hindi nabubulok na basura ang nakokolekta araw-araw. Nasa mahigit 400 kilograms naman ng nabubulok na basura ang nahahakot kada araw.

Hinihikayat naman ang composting o ang pagpapabulok ng mga basura sa mga kabahayan upang gawing pataba sa mga pananim.

Dapat namang ihiwalay sa general waste ang household hazardous wastes katulad ng busted bulbs, baterya at electronic wastes.

Nagbibigay din ng violation ticket ang mga itinalagang solid waste management enforcers para sa mga hindi sumusunod sa panuntunan.

“Enforcement will play a very vital role to make sure that people will abide with what is written in our ordinance,” dagdag pa ni G. Echanes.

Kahapon, ika-18 ng Enero, ay nagpulong ang Solid Waste Management Board upang magkaroon ng pag-uulat patungkol sa sanitary landfill, kagamitan sa Material Recovery Facilities (MRF) at implementing rules and regulations ng ordinansa.

Aniya, pansamantalang inilalagak sa Temporary Storage Area ang mga nakokolektang basura. Inilalagay sa Material Recovery Facilities (MRF) ang mga balik gamit o recyclables at sa Residual Containment Building ang mga residual wastes.

“’Yun lang kasi ang allowed while we are in transition in going into sanitary landfill, which is the only final disposal facility allowed under the law,” pagtukoy niya sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management.

“Sinisikap natin ‘yung bulk ng mga recyclables, dahil walang market ngayon, we are trying to recycle it [and] use it into other reusable forms like yung mga bottles na accumulated, we’re shredding it tapos ginagawang ibang produkto like hollow blocks or other concrete products as a replacement doon sa sand and gravel,” ani G. Echanes.