Vice President Leni Robredo visits San Vicente after Typhoon Odette strucks the town

Personal na nagtungo si Bise Presidente Leni Robredo ngayong araw, Disyembre 22, sa bayan ng San Vicente upang kumustahin ang kalagayan ng komunidad matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette kamakailan.


Ayon sa Pangalawang Pangulo, sinadya niyang puntahan ang Palawan dahil wala silang nakukuhang balita tungkol sa pinsalang naidulot ng nagdaang bagyo bunsod na rin ng pagkawala ng linya ng komunikasyon.


“Ngayon pong umaga, ýun lang po ang sadya ko na kumustahin kayo, tingnan ang kalagayan niyo kasi pinakamahirap po talaga sa lahat na walang maayos na communication,” bahagi ng mensahe ni Bise Presidente Robredo.


“Ipapaalam po namin pagbalik namin mamaya kung ano ang kalagayan dito para mas maraming tumulong… Ngayon po na nandito kami alam na namin. Kanina po ay galing kami sa [Sitio] Panindigan, nakita po namin na grabe ang sitwasyon,” pagpapatuloy niya.


Nagpaabot din siya ng relief goods para maipamahagi sa mga naapektuhang residente.
“In-inform po tayo ni Mayor [Alvarez] kanina na may private plane na regularly nagba-biyahe papunta rito na pwede silang makadala ng goods. Kaya kung pwede silang makadala ng goods, mas marami na po kaming maipadadala,” dagdag niya.


Ipinaabot rin ni Mayor Amy Roa Alvarez ang problema sa suplay ng petrolyo.


“Kinu-kwento ni Mayor na hirap ang krudo, hirap ang gasolina. Ýun po ang mga aasikasuhin natin kung papaano dito sa inyo madadala,”ani Robredo.

Vice President Leni Robredo visits San Vicente after Typhoon Odette strucks the town

Nakatakda siyang makipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways (DPWH) upang maayos ang mga nasirang tulay at kalsada patungong Lungsod ng Puerto Princesa at masiguro ang walang patid na paghahatid ng mga produkto.


Nag-iwan din siya ng grupo upang mangalap ng iba pang detalye upang matugunan ang iba pang pangangailangan.


Samantala, pinasalamatan ni Mayor Alvarez ang lahat ng mga tumulong at umaksyon upang maibsan ang hirap na dinaranas ng mga residente dahil sa bagyo.

“Magtulungan lang po tayo. Grabe po itong nangyari sa atin pero at least parang we are heard na at matulungan po tayo ni Vice Leni. Talagang nagpapasalamat ako sa lahat ng nag-effort para lang maibalik sa normal [ang pamumuhay natin],” saad ng Punong Ehekutibo.


Bago ang pagpupulong ay nagtungo si Bise Presidente Robredo kasama si Congressman Kit Belmonte sa Bgy. Alimanguan at Sitio Panindigan upang saksihan ang pinsalang iniwan ng Bagyong Odette.


Nag-ulat din ng pinsala at kasalukuyang sitwasyon sa isinagawang dayalogo ang bayan ng Taytay sa pangunguna ni Mayor Christian Rodriguez.


Sunod na pinuntahan ng grupo ni Robredo ang bayan ng Roxas.