Tinanggap ng Pamahalaang Barangay ng Binga ang bagong rescue vehicle mula sa Pamahalaang Bayan ng San Vicente kahapon, Abril 27, sa isinagawang turn-over ceremony na ginanap sa gymnasium ng barangay. Sa pamamagitan ng nilagdaang usufruct agreement, pormal na iniabot at isinalin ni Mayor Amy R. Alvarez kay Punong Barangay Nerie A. Varquez ang susi ng sasakyan na kanilang magagamit sa pagpapanatili ng kaayusan at pagresponde sa mga emergency situations sa barangay.

Sa mensahe ng Alkalde, tinuran niya ang ginagawang hakbang ng Pamahalaang Bayan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga nasasakupang barangay. Anya, patuloy ang kanilang ginagawang pagsusumikap upang makonekta ang mga barangay at ang pagkakaroon ng suplay ng kuryente sa Barangay Binga. “We’ve been working hard.

Even if you’re the last barangay here in San Vicente sa norte, you are not the least – dahil kayo ang unang binigyan namin ng pick-up,” ani Mayor Alvarez.

 san-vicente-palawan-rescue-vehicle-turn-over-ceremony-at-binga

Inihayag naman ni Kapitan Varquez ang kanyang pasasalamat at kagalakan sa pagkakaroon ng rescue vehicle sa kanilang barangay na aniya ay katugunan sa kanilang matagal nang pangarap.
“‘Yung matagal na po nating pinapangarap na magkaroon po tayo ng sariling sasakyan… Napakahirap po… Ang Municipal Government po, sila po ang tumugon sa atin pong mga problema,” pahayag ng Punong Barangay.
Sinaksihan nina Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer Orlando C. Estoya at Barangay Kagawad Grace Tanaya ang paglagda sa usufruct agreement.
Ayon kay MDRRMO Estoya, makakatulong ang naturang sasakyan sa pagtataguyod ng katahimikan, kaayusan, mabilis na serbisyong medikal at maging sa pagpapatupad ng mga alituntunin may kinalaman sa COVID-19.

“Gagamitin iyan sa pag-iikot, roving, pagsisita sa mga hindi naka-mask, sa [pagpapatupad] ng mga COVID protocols natin, ‘yung curfew hours natin,” sabi ni MDRRMO Estoya.
“Iyan po ay makakatulong sa mga barangay tanod para po maabot ang lahat ng parte ng barangay sa kanilang peace and order activities. Lalong-lalo naman sa emergency response, kapag ka may dadalhin sa hospital – hindi na po sila tatawag sa Poblacion [upang] humingi ng rescue,” pagpapatuloy niya.


Dagdag pa niya, nakasaad sa kasunduan na ang pagpapanatili ng magandang kondisyon ng sasakyan, pagpapaayos sakaling may sira ay ang ilan sa mga responsibilidad ng Pamahalaang Bayan. Ang barangay naman ang maglalaan sa pangangailangan sa fuel at pagpapanatiling malinis at maayos ng sasakyan.
“Ang responsibility ng Kapitan sa sasakyan ay mapanatiling maayos, laging malinis, hindi magagamit sa personal na lakad. Ito ay solely sa mga emergency response at gawaing opisyal ng barangay,” ani Estoya.
Sa inspirational message na ibinigay ni Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue, pinuri niya ang uri ng paglilingkod ng administrasyon tungo sa pangkaunlarang pagbabago sa mga barangay.
Sabi ni MLGOO Dangue, “Bahagi ng planong pangkaunlaran ang pagliligtas ng buhay ng mamamayan at ng kanyang mga pag-aari. Mayroong isang katibayan – sa araw na ito ay ibinahagi ng Pamahalaang Bayan sa pamamagitan ni Mayor Amy ang isang sasakyan na kung saan ay simbolo ito ng commitment ng isang Punong Bayan sa kanyang mamamayan.”
Samantala, nakatakda naman sa mga susunod na araw ang paghahatid ng kaparehas na sasakyan sa Barangay Sto. Niño at Caruray.