Napagkalooban ng lokal na pamahalaan ng San Vicente ng tulong pagkabuhayan ang dalawang asosasyon sa Bgy. Port Barton at Bgy. Caruray para mapalakas ang kanilang produksyon ng isdang tilapia at green grouper.

Ayon sa MO Livelihood Unit, sinisimulan na ang konstruksyon ng fish pond na paglalagyan ng mga semilya ng tilapia sa Sitio Bunuangin, Bgy. Port Barton kung saan benepisyaryo ang Bunuangin Community Development Association (BUNCODA). May kabuuang sukat na 1,500 square meters ang itinatayong fish pond doon na hahatiin sa apat na compartment.

Ginagawa na rin ang fish cage na may sukat na 10×10 meters para sa produksyon ng green grouper ng Gawid Fisherfolks Association sa Bgy. Caruray.

Ang tulong pagkabuhayan ay naglalayong unti-unting maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga benepisyaryong indibidwal at makatulong sa food security ng bayan ng San Vicente.

“Layunin ng programang ito ng ating pamahalaang lokal na mabigyan ng kabuhayan ang ating mga kababayan nang sa gayon ay magkaroon sila ng sapat na kita at maging kabahagi natin sila sa pagtataguyod ng seguridad ng pagkain dito sa ating bayan,” ani Karen Andonga ng Livelihood Unit.

Sakaling matapos ang konstruksyon, inaasahan na rin ang pagkakaloob ng mga green grouper fingerlings at tilapia fries, feed supplies at iba pang kagamitan bilang mga panimula.

Nakakuha rin ng suporta ang programa sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na magsusuplay ng mahigit sa 9,000 tilapia fries para sa kabuhayan ng BUNCODA.

Inaasahang matatapos ang konstruksyon ngayong buwan ng Nobyembre. Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng cash for work program.

Nakapaloob din sa community-based livelihood project ang libreng pagsasanay upang madagdagan ang teknikal na kaalaman ng mga benepisyaryo sa mainam na pamamaraan ng pag-aalaga at pagpaparami ng naturang mga isda.

Matatandaan na kamakailan ay sumailalim sa magkahiwalay na lakbay-aral at pagsasanay ang piling mga miyembro ng naturang mga samahan sa pasilidad ng BFAR sa bayan ng Narra at lungsod ng Puerto Princesa.

Ang mga tulong pangkabuhayan ay bunga ng konsultasyong isinasagawa sa mga barangay upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente rito. Ito ay isa sa mga prayoridad na proyektong itinataguyod ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pangunguna ni Mayor Amy Roa Alvarez upang matulungan ang komunidad na maging matatag sa epektong dulot ng COVID-19 pandemic.

Ang dalawang proyektong ito ay pinondohan sa ilalim ng Gender and Development Fund na nagkakahalaga ng mahigit sa P374, 000.