san-vicente-palawan-tree-planting-activity

Mahigit sa 2,000 punla ng mahogany, ipil-ipil at bakaw ang naitanim sa isinagawang tree planting sa iba’t ibang barangay ng San Vicente kahapon, ika-14 ng Pebrero.

Ang “A Heart of Nature” ay isang tree planting activity na pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente, Junior Chamber International (JCI) – Puerto Princesa Oil, Department of Environment and Natural Resources at Palawan Council for Sustainable Development.

Ang pagtatanim ay isinagawa sa mga watershed at tabing-dagat na matatagpuan sa mga barangay at maging sa mga barangay road. Nagkaroon din ng paglilinis sa dalampasigan at ilog sa Bgy. Alimanguan at Bgy. Caruray.

Nakibahagi sa aktibidad ng pagtatanim ang iba’t ibang sektor sa komunidad tulad ng kababaihan, kabataan, katutubo, uniformed at health personnel, guro, pribadong sektor, mga opisyal ng barangay, mga lokal, at iba pa.

Ang gawain na itinaon kasabay ng pagdiriwang ng araw ng mga puso ay naglalayong maisapuso ng bawat isa ang pagmamahal sa kalikasan at mapalakas ang kaalaman patungkol sa pagpapanatili ng malusog at mayabong na kapaligiran.

Nagkaroon din ng zumba fitness dance at fun walk bilang bahagi ng aktibidad na naglalayon namang mahikayat ang mga residente sa malusog na pamumuhay.