san-vicente-palawan-travel-bubble

Naghahanda na ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pagsalubong sa isasagawang “travel bubble” sa munisipyo sa darating na ika-12 ng Pebrero.

Nakatakdang lumapag sa San Vicente Airport ang flight na magdadala ng 45 domestic tourists mula sa Manila. Ang inisyatibong ito ay pinangunahan ng pribadong sektor at ng Pamahalaang bayan ng San Vicente.

“Nag-initiate ang partner natin sa private na si Sir Tonino Habana na magkaroon ng flight dito. … Now, out of this maiden flight, chartered flight na ito [ay] malalaman natin kung mago-open na ba talaga si San Vicente para maibalik ang turismo dito sa atin,” ani Municipal Tourism Officer Lucylyn F. Panagsagan.

Mahigpit ang ipapatupad na mga patakaraan upang masiguro na magiging matagumpay ang gawain. Kabilang sa patakaran ang pagpresenta ng negative result ng RT-PCR – 24 hours bago ang departure, proof ng pre-booking, itinerary, return ticket at health declaration and responsible visitor’s pledge.

“Hindi ka dapat magde-deviate roon sa itinerary. Kung ano ang itinerary mo – say you will be staying for three days in San Vicente, dito ka lang sa San Vicente. Hindi ka p’wedeng lumabas and then balik na naman,” paliwanag pa ng tourism officer sa isasagawang “travel bubble.”

san-vicente-palawan-travel-bubble

Nagsagawa ng dry-run kahapon, ika-8 ng Pebrero, sa San Vicente Airport upang matiyak na magiging maayos ang daloy ng pagsalubong sa mga inaasahang bisita.

Nakibahagi sa naturang dry-run ang Municipal Health Office, Municipal Tourism Office, Philippine National Police, Civil Aviation Authority of the Philippines, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Economic Enterprise and Development at Lazuli resort.

Sa pagtataya ng Municipal Tourism Officer, handa naman umano ang San Vicente base na rin sa kinalabasan ng isinagawang dry-run na kung saan ay ikinonsedera ang iba’t ibang posibleng senaryo sa pagsalubong ng mga turista.

Dagdag pa ni Bb. Panagsagan, ang travel bubble ay magsisilbing batayan ng Municipal Inter-agency Task Force (MIATF) sa desisyon kung maaari na bang buksang muli ang paliparan para sa pagpapasiglang muli ng lokal na industriya ng turismo na lubhang naapektuhan nang magkaroon ng pandemya.

“Kasi nakikita natin na low-risk naman ang Palawan. Zero case naman ang San Vicente and then nakikita natin na para bang ang ekonomiya natin ay dapat na magbounce back kasi talagang maraming na-hit hard ng pandemyang ito tapos maraming nawalan ng trabaho,” dagdag pa niya.

Noong taong 2019 ay pumalo sa mahigit 42, 000 ang tourism arrival ng San Vicente na naitala ng Municipal Tourism Office (MTO) samantalang nasa 8, 000 bilang lamang nitong taong 2020.

san-vicente-palawan-travel-bubble

“Napakalaki ng epekto kasi maraming tourism workers natin ang na-displace. Unang-una, kitang-kita naman sa arrival pa lang natin na 80 % ang na-decrease,” paliwanag pa ng hepe ng MTO.

Ang mga darating na turista ay mamamalagi ng tatlong araw sa San Vicente. Nakatakda ang kanilang pag-uwi sa ika-15 ng Pebrero 2021.