san-vicene-palawan-travel-bubble

Sa isinagawang pagpupulong ng Municipal Interagency Task Force (MIATF) noong Biyernes, ika-19 ng Pebrero ay nagkaroon ng debriefing patungkol sa kauna-unahang passenger flight na lumapag sa San Vicente Airport mula nang magpatupad ng community quarantine sa bansa.

Iniulat sa naturang debriefing na naging matagumpay o “smooth” ang naging kabuoang operasyon ng isinagawang travel bubble sa munisipyo nitong ika-12 hanggang ika-15 ng Pebrero 2021 kung saan mayroong 32 dometic tourists ang bumisita sa munisipyo.

“Okay naman po ang naging flight noong February 12. After po ng flight ay nagkaroon kami ng post-evaluation,” ani G. Carlo Chua, Nurse 1 ng Municipal Health Office.

san-vicene-palawan-travel-bubble

Isinaalang-alang sa buong gawain ang pag-iingat at implementasyon ng mga patakaran na inilabas ng Pamahalaang Nasyunal may kaugnayan sa COVID-19.

“Ang kagandahan din po sa flight na ito ay well-coordinated po ito sa ating tourism office kaya naging mabilis po ang ating pagcheck ng documents,” dagdag pa ni G. Chua.

Hiningan ng mga documentary requirements tulad ng negative result ng RT-PCR, proof ng pre-booking, itinerary, return ticket at health declaration and responsible visitors pledge ang mga turista bilang pag-iingat sa COVID-19.

“From time-to-time po we are coordinating with Lazuli [resort] since grupo po iyon medyo madali lang na ma-coordinate. Lahat sila ay nag-stick doon sa itinerary nila,” saad ni Municipal Tourism Officer Lucylyn F. Panagsagan.

Katuwang ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang Lazuli Resort sa pangangasiwa ng travel bubble.

Tinukoy sa post-evaluation ang pagdaragdag ng upuan, electric fan at QR code sa paliparan at ang paglalagay ng masisilungan habang nag-aantay ang mga turista para sa mga mag-island hopping.

Ilan pa sa naging katuwang sa pagtataguyod ng travel bubble ang Philippine National Police, Civil Aviation Authority of the Philippines, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, Municipal Economic Enterprise and Development, at Philippine Coast Guard.