san-vicente-palawan-training-of-trainers-save-youth

Sumasailalim sa training of trainers (TOT) ang nasa 40 kabataan ng bayan ng San Vicente kaugnay ng isasagawang information education campaign (IEC) sa mga barangay patungkol sa mga usapin na kinakaharap ng kabataan sa kasalukuyan.
Ang pagsasanay na inorganisa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ay nagsimula noong araw ng Lunes, Mayo 10, sa Palawan State University San Vicente Campus. Ito ay nilahukan ng mga Sangguniang Kabataan chairpersons, youth organization leaders, youth volunteers at advocates.
Binigyang-diin ni Mayor Amy R. Alvarez sa kanyang mensahe noong unang araw ang kahalagahan ng pakikibahagi ng mga kabataan sa pagpapalaganap ng mga impormasyong makatutulong upang magkaroon ng ganap na kaalaman ang bawat isa sa mga usapin tulad ng COVID-19, teenage pregnancy at gender sensitivity.

Pinangunahan ni G. Arnel Presto ang pagsasanay tungkol sa personality development, leadership at organizational management noong unang araw habang si Bb. Flora Mandolado, GAD focal ng San Vicente, ang tumalakay ng usaping gender sensitivity sa pangalawang araw. Si Municipal Social Welfare and Development Officer Jennilyn C. Laro naman ang resource speaker patungkol sa mental health awareness samantalang ang mga usapin hinggil sa COVID-19 at teenage pregnancy ay tatalakayin ng mga kawani ng Municipal Health Office na sina Bb. Ma. Luz Bigoy at Bb. Joicee Llanzana.
“Dito sa ating TOT ay sinasanay natin ang ating mga participants na maging epektibong resource persons and facilitators para sa cascading at roll-out ng mga usapin doon sa ibaba. Pagkatapos ng limang araw na pagsasanay ay pupunta kami sa mga barangay upang ibahagi naman ang mga kaalaman sa kapwa kabataan,” pahayag ni Bb. Karen V. Andonga, local youth development officer-designate.

Sa pamamagitan ng pagsasanay ay nabibigyang pagkakataon ang mga kabataan na maging katuwang ng lokal na pamahalaan sa pagbabahagi ng wastong kaalaman sa kapwa kabataan sa barangay.
Nakatakdang tumungo sa mga barangay ang mga kabataang ito sa susunod na linggo upang magsagawa ng IEC kung saan kanilang inimbitahang maging kalahok ang mga kabataang nasa Grade 7 hanggang Grade 12.
Aniya, mahalagang maipabatid ang wastong impormasyon patungkol sa naturang mga usapin dahil sa mga kabataang dumaranas ng depresyon, identity crisis at iba pa.
“Marami pa rin sa mga kabataan natin ang hindi naiintindihan ang kahalagahan ng minimum health protocol at ano nga ba ang kailangang pag-iingat pagdating sa COVID-19. Isinama rin dito ang gender sensitivity kasi pinaka-crucial stage ng mga kabataan ngayon ang identity crisis natin,” tugon ni Andonga.
Tiniyak naman ni Bb. Andonga na kanilang isasaalang-alang ang mga umiiral na health protocols upang maiwasan ang posibleng hawaan ng COVID-19.
Ang limang araw na training of trainers ay bahagi ng youth sustainable development goals ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.