Pinangunahan ni Secretary Isidro S. Lapeña ang isinagawang project visit and monitoring activity sa Proyektong SAVE o ang Sustainable Agriculture for Kemdeng/Villa Fria Enterprise sa Bgy. Kemdeng, bayan ng San Vicente kahapon, Oktubre 8, kaugnay ng kanyang tatlong araw na pagbisita sa lalawigan ng Palawan.

Si Sec. Lapeña ang kasalukuyang Director General ng Technical Education Skills and Development Authority (TESDA) – ang ahensyang nangunguna sa Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC).

Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag niya ang mga programa at tungkuling ginagampanan ng TESDA at ng PRLEC upang mailapit sa mga malalayong komunidad ang serbisyo ng gobyerno.

“Ang aming ginagawa sa PRLEC, kapag nag-train po kayo sa mga training ng TESDA, it will lead to livelihood. Ito ‘yung ginagawa ninyo rito ang Organic Agricultural Crop Production will lead to livelihood. Una, sa farm-to-table, sa pagkain. ‘Yung sobra niyan ay dadalhin ninyo sa market para maibenta. Magkakaroon kayo ng income – ‘Yan ang livelihood. ‘Yung iba naman na mga training will lead to employment,” bahagi ng pahayag ni Director General Lapeña.

Ang Project SAVE ay inilunsad ng PRLEC sa Bgy. Kemdeng noong ika-14 ng Mayo taong kasalukuyan. Sa ilalim ng proyektong ito ay binigyan ng kasanayan ang inisyal na 25 katutubong benepisyaryo sa Organic Agriculture Production kaugnay ng pagsasakatuparan ng village enterprise kung saan ay magkakaroon ng tuluy-tuloy na pagkakakitaan at trabaho ang mga ito.

Aniya, bahagi ng kanilang pagtungo sa San Vicente ang pagsasagawa ng assessment para sa mga maaari pang programa na ipatutupad. Ilan sa kanyang mga tinukoy ang pagbibigay ng pagsasanay sa driving at photovoltaic installation system upang tugunan naman ang problema sa ilaw sa Bgy. Kemdeng.

Pinasalamatan naman ni Mayor Amy Roa Alvarez ang TESDA at ang PRLEC sa pagtataguyod ng proyekto. Tinuran din niya na ang pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan sa komunidad ang pokus ng kaniyang administrasyon lalo ngayong panahon ng pandemya.

“So hopefully successful siya, maybe pwede natin e-expand ang [proyekto] para mas maraming makinabang din. Maghingi rin ako ng mga trainings, kasi ngayon livelihood talaga ang focus ko specially this year [na may] pandemya. I hope we get many more. I’m so proud of all this trainees and [sana ay magawa nitong] iangat ang mga buhay nila,” ani Mayor Alvarez.

Nagpaabot din ng pasasalamat si Punong Barangay Daniel Latube. Aniya, malaki ang naitulong ng proyektong SAVE sa kanilang barangay.

“Ang programang ito ay napakalaking tulong po sa atin pong barangay… Napakaliit lang po na barangay sa San Vicente pero sa ngayon po ay nakikita natin na binibigyang pansin ng ating national government,” ayon pa sa Punong Barangay ng Kemdeng.

Ang mga programa sa ilalim ng PRLEC ay bilang suporta sa Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtataguyod ng “whole-of-nation” approach para sa pagkamit ng pangkalahatan at sustinableng kapayapaan.

Sa isinagawang programa ay iniabot din ni Municipal Agriculturist Rufino Clavecilla sa samahan ng mga magsasaka ang mga produktong Bio-Element Regulator Growth Enhancer. Ito ay produkto na nilikha ng Municipal Agriculture Office para sa epektibong pagkontrol ng peste sa pananim at organikong fertilizer.

Samantala, ilan pa sa mga bisita mula sa TESDA Central Office sina Dir. Juliet Orozco, Dir. Lina Sarmiento. Dumating din ang mga opisyal mula sa TESDA MIMAROPA sa pangunguna ni Dir. Joel M. Pilotin, TESDA Palawan sa pangunguna naman ni Provincial Director Richard Amaparo at TESDA-PPSAT Administrator Dr. Sianita Tadlas. Dumalo rin sa aktibidad si SB Member Ramir Pablico na chairperson ng Committee on Agriculture sa Sangguniang Bayan.