san-vicente-palawan-temporary-holiday-for-rentals

Pormal nang inaprubahan ni San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez ang Ordinansa na nagtatakda ng pansamantalang pagpapaliban sa koleksyon ng buwanang renta ng mga nangungupahan ng pwesto sa public market at food court na naapektuhan ng pandemya at ng pagsasaayos nito.

Nilagdaan ang Ordinance No. 16 o ang Temporary Market Rental Holiday Ordinance of 2021 noong araw ng Martes, Hunyo 29.

Nakasaad sa Ordinansa na walang babayarang renta ang mga stall owners, vendors o operators na pansamantalang nagtitinda ng kanilang mga produkto sa temporary public market.

Sakaling matapos ang pagsasaayos ng mga pasilidad sa palengke at makabalik ang mga nagtitinda sa kani-kanilang mga pwesto, sila ay magbabayad lamang ng kalahati sa orihinal na buwanang renta habang may kinakaharap na pandemya.

Ani Mayor Alvarez na masaya siyang naihabol kahit paano ng Sangguniang Bayan ang Ordinansa na makaka-alwan sa kahirapang pinansiyal na dinaranas ng mga nangungupahang manininda sa palengke at food court kahit na nauna na ang Pamahalaang Nasyonal sa pagbibigay ng palugid sa mga nangungupahan na napasailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) at Modified ECQ.

Libre rin ng tatlong buwan ang renta ng lahat ng stall owners, vendors at operators na nago-okupa ng mga pwesto sa palengke at food court noong taong 2020 kung kailan nagsimulang magpatupad ng ECQ. Sakaling ito ay nabayaran na, ilalagak ang naturang bayad bilang advance payment para sa mga susunod na buwan.

Habang nasa ilalim ng state of public health emergency ang bansa dahil sa COVID-19, itinatakda rin ng Ordinansa na kalahati lamang ng orihinal na buwanang renta ang babayaran ng mga nagmamay-ari ng pwesto sa pamilihang bayan na hindi apektado ng pagsasaayos at sa food court na pagmamay-ari ng lokal na pamahalaan.

Ngunit sa liham na pinarating ni Mayor Alvarez sa Sanggunian, minungkahi niya ang pag-amyenda ng Ordinansa sa pamamagitan ng pag-atras ng date of effectivity sa January 2021 sa halip ng nasasaad sa Ordinansa.

“January pa nirekomda ng Municipal Inter-Agency Task Force on COVID-19 ang pagpasa ng ordinansang magpapababa ng renta sa public market at food court kaya kung naaksyunan kaagad, ang effectivity sana ng benepisyo sa ilalim ng Ordinansa ay mula January 2021,” paliwanag ni Mayor Alvarez.

Hindi naman kasama sa probisyon ng Ordinansa ang ang mga bayarin sa kuryente at tubig na ginagamit ng mga nagmamay-ari ng pwesto kung kaya’t minarapat ng alkalde na ipanukala ang pagbabawas ng presyo ng tubig sa buong bayan.

“Kahit ordinaryong mamamayan nakararanas ng kahirapan ngayong may community quarantine at minsan may granular lockdown kaya para magbenepisyo ang lahat, we also proposed the reduction of the water tariff rates for all residents,” dagdag ng alkalde.

Ang ordinansang ito ay tugon ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente bilang tulong sa mga maliliit na negosyante na patuloy na nagtataguyod ng kanilang hanapbuhay sa kabila ng nararanasang pandemya.

san-vicente-palawan-temporary-holiday-for-rentals
san-vicente-palawan-temporary-holiday-for-rentals