san-vicente-palawan-chicken-layering-production-program

Tinanggap kamakailan ng tatlong asosasyon ng Barangay Caruray ang mga manok, feeds, bitamina at iba pang kinakailangang panimula sa pagnenegosyo at produksyon ng itlog na ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Sa isinagawang turn-over ceremony noong ika-16 ng Enero sa naturang barangay, nagpasalamat ang mga naging benepisyaryo ng programa dahil sa tulong pangkabuhayan na ibinigay sa kanila.

“Ang sabi nila [sa kanilang message of commitment], it’s the first time na sila ay nakatanggap at na-feel nila ang government especially doon sa Candamia at Panamin kasi iyon ay mga IP area natin. Malaking pasasalamat nila sa LGU thru Mayor Amy [Alvarez] na nabigyan sila ng atensyon,” paglalahad ni Bb. Karen V. Andonga, community affairs officer I, sa naging pasasalamat ng tatlong asosasyon na kinabibilangan ng Rural Improvement Club ng Sitio Gawid at Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Caruray – Panamin at Candamia Chapter.

Ang programang ito ay bahagi ng mga interbensyong isinagawa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente bunsod ng pandemya. Katuwang ng Mayor’s Office-Livelihood Team ang Municipal Social Welfare and Development Office at Municipal Agriculture Office sa pagtataguyod ng programa.

san-vicente-palawan-chicken-layering-production-program

“Nagkaroon ng agreement ang GAD [Gender and Development] focal point system na mag-realign ng mga projects under GAD na hindi na p’wedeng ma-implement last 2020 para magkaroon tayo ng intervention doon sa pandemic natin sa mga vulnerable sector like IP, women, youth at iba pa,” ani Bb. Andonga.

May kabuoang 230 bilang ng mga manok ang ipinagkaloob sa naturang mga asosasyon. Inaasahan na sa una hanggang ikalawang linggo ng Pebrero ay magsisimula nang mangitlog ang mga ito.

“Itong ibinigay natin sa kanila ay Ready to Lay (RTL). Nasa 4 month’s old na ang mga manok at ang sabi ng supplier ay two weeks after nila ma-receive ang manok ay mags-start na ang production ng egg,” dagdag pa niya.

Bago ang naturang pamamahagi ay nagkaroon muna ng oryentasyon ang mga benepisyaryo. Nagsagawa rin ng Lakbay-Aral upang madagdagan ang kanilang mga nalalaman sa pamamahala ng kahalintulad na negosyo.

“Every area na iyan ay may natanggap silang P188,000 to P190,000 grant. Kasama na riyan ang mga feeds, manok, multivitamins, cash for work and others,” ani Andonga. “Nagcash-for work tayo para buoin ang kanilang poultry. Binigyan natin sila ng mga materials like pawid, hardware materials, screen at mga PVC. Lahat ng mga kailangan para mabuo ang kanilang poultry ay ibinigay natin iyon sa kanila.”

san-vicente-palawan-chicken-layering-production-program

Aniya, magsasagawa rin ng regular na monitoring ng programa upang masiguro ang maayos na pagpapatakbo at pamamahala nito sa pamamagitan ng opisina ng Municipal Agriculture.

“It is a grant. Grant sa kanila, palaguin nila ang kanilang livelihood para makatulong sa individual members ng association nila,” ani Andonga.