Inaasahan na sa buwan ng Agosto ay libre na ang paggamit ng tubig ng mga konsumer ng San Vicente Water Works matapos aprubahan kamakailan ni Mayor Amy Roa Alvarez ang Ordinance No. 21, Series of 2021.

Layunin ng naturang Ordinansa na nilagdaan ng Alkalde noong Hulyo 19 na maibsan ang dinaranas na hirap ng mga residente ng San Vicente sa pamamagitan ng suspensyon ng koleksyon sa buwanang singil sa tubig habang humaharap sa pandemya dulot ng COVID-19 ang bansa.

Sa kabila ng tulong na ito, hinihikayat ni Mayor Alvarez ang mga konsumer na patuloy na maging responsable at magtipid sa paggamit ng tubig. Tinuran din niya na bilang isang lingkod-bayan ay boluntaryo niyang patuloy na babayaran ang personal na konsumo sa tubig.

“Tayo naman ay nakikiusap sa ating mga konsumer na patuloy na magtipid ng tubig kahit na ito ay inililibre pansamantala,” panawagan niya sa mga residente.

Ayon pa sa kanya, napapanahon ang Ordinansa dahil marami sa mga residente ng bayan ang patuloy na nahihirapan dahil apektado ng pandemya ang kanilang trabaho at pagkakakitaan.

“Kailangan nating alalayan at bigyang pansin ang ating mga residente sa mga panahong katulad nito. Marami sa kanila ang nawalan ng trabaho at kabuhayan lalo at tumamlay ang industriya ng turismo rito sa atin dahil sa COVID-19,” ani Mayor Alvarez.

Bagaman nangangahulugan ito ng kabawasan sa kita ng munisipyo, positibo ang Alkalde na mas may kakayahang mabilis na makabangon ang lokal na pamahalaan kung ikukumpara sa mga residente nito.

Ang lokal na pamahalaan ang pansamantalang sasagot sa mga bayarin sa pagmimintina at operasyon ng naturang water system habang walang koleksyong matatanggap mula sa lahat ng konsumer sa mga barangay sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo mula sa General Fund.

Kabilang din sa panuntunan ng Ordinansa ang pagpapatuloy ng meter reading upang mabigyan ng abiso ang mga kabahayan at establisyemento na may biglaang pagtaas sa konsumo ng tubig at maiwasan ang pag-abuso sa libreng serbisyong ito.

Samantala, ang mga karagdagang linya ng tubig na ikinonekta matapos ang pag-apruba ng ordinansa ay hindi sakop ng pagpapatupad nito.

Epektibo ang Ordinansa habang nasa ilalim ng State of Calamity at State of Public Health Emergency ang buong bansa.

Sa kasalukuyan ay may mahigit sa 4,600 na bilang ng residential at commercial ang sineserbisyuhan ng San Vicente Water Works sa mga barangay. Ito ay pinamamahalaan ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) ng Pamahalaang Bayan.