san-vicente-palawan-water-supply

Naibalik na ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) ang suplay ng tubig sa ilan pang bahagi ng bayan ng San Vicente na naapektuhan ng pagkawala ng daloy ng serbisyo nito dulot ng pananalasa ng Bagyong Odette kamakailan.


Ayon kay G. Edgar T. Andante, Municipal Economic Enterprise and Development Officer (MEEDO), nagkaroon nang muli ng serbisyo sa tubig ang mga concessionaire nito mula sa mga barangay ng New Agutaya, San Isidro at bahagi ng Poblacion (So. Macatumbalen) matapos maikabit ang mga na-retrieve na transmission lines sa Bgy. New Agutaya noong ganap na alas 7 ng gabi, araw ng Linggo, Disyembre 26.


Nagpasalamat din siya sa pamunuan ng MEEDO-El Nido sa pangunguna ni G. Rene Acosta matapos na personal na tumungo sa bayan upang tumulong sa pagpapanumbalik ng suplay ng tubig.


“Nagpapasalamat tayo sa MEEDO ng El Nido dahil nagpahiram sila ng materials and fittings na magagamit sa pagkumpuni. Gayundin, nagpahiram din sila ng mga tao na tumulong magkumpuni ng ating service lines sa Bgy. New Agutaya at San Isidro,” mensahe ni G. Andante.

san-vicente-palawan-water-supply

Operational na rin ang water system sa Bgy. Caruray matapos makapagpadala ng mga pipelines noong ika-24 ng Disyembre.
Matatandaan na araw ng Biyernes, Disyembre 17, nang manalasa ang Bagyong Odette sa San Vicente na naging dahilan ng pagkasira ng mga tubo ng tubig at iba pang pasilidad ng San Vicente Water Works.


Matapos nito ay agad na sinimulan ng mga manggagawa ng San Vicente Water Works ang restoration activities sa Block 6 at matagumpay na naibalik noong Disyembre 19 ang serbisyo sa tubig sa ilang bahagi ng Bgy. Poblacion.


Agad ding ipinadala ng Emergency Operations Center ang grupo mula sa Municipal Public Safety and Emergency Program (MPSEP) at Municipal Engineering Office para sa pagsasagawa ng clearing operations upang matanggal ang humarang na mga natumbang puno sa daan patungong water treatment plant na nagsusuplay sa Bgy. New Agutaya, San Isidro at bagahi ng Poblacion.


Samantala, patuloy naman ang pagsisikap ng MEEDO na muling maging operational ang water system na nagseserbisyo sa ilan pang kabahayan ng Bgy. Poblacion. Anila, naglagay sila ng 11 standpipe site upang pagkunan ng mga residenteng wala pa ring suplay ng tubig.

“May 11 standpipe site tayong binuksan na pwedeng pag -igiban. Ito ay matatagpuan sa Padrigo Store, Alma Collado residence, Crossing Zabanal-Alta road, Elementary, Highschool, Madarcos residence, Landing area motorpool, Bredis residence area, Amphitheater area, Himlayan entrance area,at Airport area,” ayon pa sa kawani ng MEEDO.
Nagpaalala naman ang MEEDO na patuloy na magtipid sa paggamit ng tubig.


“Salamat sa lahat ng mga concessionaire natin na nakapagtiis na walang tubig. Ngayon, naranasan natin ang pinakamatinding bagyo na dumaan dito sa bayan ng San Vicente at lubhang nasira ang ating mga mainline sa Poblacion at New Agutaya… Nawa ay magbigay ito sa atin ng paalala na MAGTIPID sa paggamit ng tubig at magipon, huwag itong abusuhin kahit na ito ay libre.”


“Hindi biro ang pagsasaayos ng mga linya sa taas ng source ng tubig natin. Buhay ang nakasalalay. Hanggat maaari at kaya ay sinisikap ng aming mga personnel na maibalik agad ang serbisyo ng tubig dahil alam namin na napakahalaga nito sa pang araw-araw nating Gawain,” paalala ni G. Andante.