Maraming kabataan na nagnanais malinang ang kasanayan sa paglalaro ng badminton at table tennis ang lumahok sa pagsisimula ng Sports Clinic noong ika-1 hanggang ika-3 ng Setyembre na ginanap sa Municipal Gymnasium ng Bgy. Poblacion.

Ang aktibidad ay inorganisa ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa ilalim ng Sports and Youth Development Program sa pakikipagtulungan sa Sangguniang Kabataan, at SAVE Youth Organization.

Layon ng aktibidad na makapagbigay ng libreng pagsasanay sa mga kabataang nahihilig sa naturang mga larangan at makapaghubog ng mga magagaling na atleta na maaaring kumatawan sa munisipyo sa iba’t ibang pampalakasang paligsahan.

Apatnapu (40) mga kabataan may edad 15 hanggang 20 mula sa mga barangay ng Poblacion at Kemdeng ang aktibong nakipagtagisan at sumailalim sa tatlong araw na pagsasanay.

“Makikita mo ‘yung pagpupursige ng ating mga kabataan na mapaunlad ang kanilang mga sarili sa paglalaro ng badminton at table tennis dahil nakita natin ‘yung willingness nila na matuto sa mga itinuturo ng kanilang mga coaches. ‘Yung mga coach natin dito ay mga local athlete natin na gumawa na rin ng kanilang mga pangalan sa kani-kaniyang larangan,” ayon kay Bb. Karen Andonga, local youth development officer-designate.

Nagsilbing tagapagsanay sa larong table tennis sina Precious Junorm Fulgarinas, Zyrus Vance Famini, Ressie C. Mengullo, Stephanie R. Sy, Venz Jasper Adion, Jiosa Gadiano at Dwight Tristan Nikko Carriedo.

Sina Mayer Tranq Rhumses Bacaltos, Reymark Tabangay, Jayvee Tabayocyoc, Jerome Pactao, Keith Iven Arguelles, Elto D. Morales Jr. at Mark Krissan Jay Bacaltos naman ang nanguna sa pagsasanay ng mga kabataan sa larong badminton.

Maliban sa aktuwal na paglalaro, kabilang din sa sports clinic ang personality development at oryentasyon patungkol sa mga teknikal na aspeto at protocols ng naturang dalawang laro.

Ang Sports Clinic ay isasagawa rin sa iba pang cluster ng barangay sa buong buwan ng Setyembre.

Ang mga interesadong sumali ay maaaring makipag-ugnayan sa kanilang SK Chairperson o magrehistro sa bit.ly/SV_Youth_Summer_Sports_Clinic2021.