san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-simulation

Nagsagawa ng simulation ngayong araw, ika-17 ng Marso, ang Municipal Health Office kaugnay ng paghahanda sa pagbabakuna ng mga healthcare frontliners na sisimulan sa araw ng Biyernes.

Ginanap ang naturang simulation sa San Vicente Central School ganap na alas 2 ng hapon kung saan isinadula ang senaryo simula sa pagrerehistro ng mga babakunahan, counselling, screening, pagbabakuna at post vaccination monitoring.

Matapos ang gawain ay nagkaroon ng pagtatasa kung saan pinag-usapan at tinukoy ang mga pagkukulang na kinakailangang bigyan ng katugunan para sa maayos na pagsasagawa ng aktuwal na pagbabakuna.

san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-simulation

Nanguna sa gawain sina Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico, Municipal Local Government Operations Officer Rustico Dangue, Provincial Immunization Officer Meyrick Garces at Department of Health Representative Daryl J. Ocampo.

Pinasalamatan ni Dra. Pablico ang lahat ng nakibahagi sa naturang gawain.

Hangad naman ng Provincial Immunization Officer na maging matagumpay ang pagsasagawa ng pagbabakuna sa munisipyo.

“Alam ko naman pong prepared naman po ang ating mga health staff at ating mga mga facility for any adverse events na possible [mangyari],” aniya.

san-vicente-palawan-covid-19-vaccination-simulation

Mahalaga naman umano na nagsagawa ng simulation upang matukoy ang mga kakulangan para sa pagpapabuti ng gawain, ayon kay Municipal Local Government Operations Officer Dangue.

“Overall, ang atin pong simulation ay naging successful naman. Unang-una nakita natin ang mga rooms for improvement. Very vital po iyan kasi pag wala pong assessment na katulad nito ay we will not grow,” saad ni MLGOO Dangue.

Nakatakdang bakunahan sa araw ng Biyernes ang nasa 60 healthcare frontliners. Ito ay ipagpapatuloy sa susunod na linggo upang mabakunahan ang target na 230 healthcare frontliners na kinabibilangan ng mga personnel mula sa Ligtas COVID facility, mga empleyado ng Rural Health Unit (RHU), Barangay Health Emergency and Response Teams at Barangay Health Workers.

Noong ika-15 ng Marso ay tinanggap ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang 500 doses ng AstraZeneca vaccine mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan na inilaan para sa mga healthcare frontliners ng munisipyo.