san-vicente-palawan-boss-team

Tumaas ng 89 porsyento ang bilang ng mga nagparehistrong negosyo ngayong taon, base sa pinakabagong datos ng Business Permit and Licensing Section ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Ayon kay G. Rexel A. Rosauro, licensing officer I, mayroong kabuoang 910 businesses na ang kanilang naiproseso sa unang buwan pa lang nitong taon, mas mataas kung ikukumpara sa 482 bilang ng mga rehistradong negosyo noong taong 2020.

“’As of January 25, mayroon tayong 910. ‘Yung newly-registered ay 376 [at ang] renewal natin ay 534,” ani G. Rosauro.

Aniya, nagsasagawa ang kanilang tanggapan ng Mobile Business One-Stop Shop (BOSS) tuwing buwan ng Enero at all-year-round BOSS services naman ang ibinibigay ng kanilang tanggapan para sa mga nais kumuha ng business permit at magbabayad ng kanilang buwis sa negosyo.

“Nagduty kami hanggang 12 midnight [ng January 20] para roon sa last day ng pagbabayad ng business tax na wala pang surcharge at penalty,” saad niya.

san-vicente-palawan-boss-team

Bukas din ang opisina ng BOSS tuwing araw ng Lunes hanggang Sabado kung saan mayroong mga representante mula sa Bureau of Fire at Municipal Treasury.

Tumaas din ng mahigit sa 200 porsyento ang kanilang nakolektang buwis. Noong nagdaang taon ay nasa P1.1 milyon ang kanilang koleksyon.

“May total running collection kami na P3,136,671. [Ito ay] partial kasi mayroon pa kaming hindi naa-account ‘yung nasa field ngayon na nagpapa-permit at naniningil pa,” dagdag pa ni G. Rosauro.

Hinihikayat din niya na magbayad ng buwis ang mga hindi pa nakapagbayad bagaman ito ay mayroon nang kaukulang multa. Ang multa ay 25 porsyento ng total tax due.

“Para naman roon sa mga bagong applicants, nag-rerelease kami ng temporary mayor’s permit within the day of your application,” ani G. Rosauro.

Ang temporary mayor’s permit ay may bisa at maaaring gamitin upang maipagpapatuloy ang pagne-negosyo hanggang 60 araw kung saan sa loob ng mga araw na ito ay dapat na maiproseso at maisumite ng nagmamay-ari ng negosyo ang mga kinakailangang dokumento tulad ng sanitary, inspection, laboratory, engineering, zoning clearance at iba pang kaukulang requirements kaugnay ng inaplayang negosyo.