Nakatakdang magsagawa ng satellite voter registration ang Office of the Election Officer sa mga barangay ng bayan ng San Vicente na magsisimula sa ika-16 ng Hulyo hanggang sa ika-27 ng Agosto, taong kasalukuyan.

Bunsod ito ng kahilingan ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa Commission on Elections na magsagawa ng naturang aktibidad upang magkaroon ng pagkakataon na makapagpatala ang mga kwalipikadong residente mula sa malalayong barangay nang hindi na kinakailangan pang bumiyahe patungo sa Office of the Election Officer na matatagpuan sa Barangay Poblacion.

Narito ang iskedyul at venue ng voter registration sa mga sumusunod na barangay:

1. Barangay Alimanguan – Hulyo 16–17 – Alimanguan Gymnasium

2. Barangay Port Barton – Hulyo 30–31 – Port Barton Gymnasium

3. Barangay Caruray – Agosto 6-7 – Caruray Gymnasium

4. Barangay Binga – Agosto 13-14 – Binga Gymnasium

5. Barangay New Canipo – Agosto 20-21 – New Canipo Gymnasium

6. Barangay Sto. Niño – Hulyo 24 at Agosto 27 – Sto. Niño Gymnasium

Ang gaganaping voter registration ay naglalayong mairehistro ang mga kwalipikadong botante sa mga barangay at mabigyang oportunidad na makibahagi sa isasagawang halalan sa taong 2022.

Tatanggapin din sa naturang voter registration ang mga aplikasyon para sa mga magpapalipat ng kanilang registration record.

Ayon sa Office of the Election Officer, kinakailangan lamang ng mga bagong magpaparehistro at magpapalipat ng regisrtration record na magdala ng kanilang valid identification card. Kung wala nito, maaaring gamitin ang Birth Certificate o Baptismal.

Ang paggamit ng barangay ID ay hindi naman tatanggapin ng COMELEC.

Kaugnay nito, inaprubahan ng Municipal Inter-Agency Task Force for COVID-19 ang Resolution No. 06-07, series of 2021 na nagpapahintulot sa pagsasagawa ng voter registration sa mga barangay.

May execution plan ding inihanda ang Pamahalaang Bayan at Office of the Election Officer upang masiguro na masusunod ang minimum public health standards laban sa COVID-19 habang isinasagawa ang aktibidad.

###