san-vicente-palawan-renewal-of-business-permits-and-licenses

Pinalawig ng pamahalaang lokal ng San Vicente ang deadline para sa pag-proseso ng aplikasyon para sa business permits and licenses renewals hanggang sa katapusan ng Hunyo nitong taon ayon sa inilabas na Municipal Ordinance No. 03, s-2022 ngayong araw, ika-20 ng Enero.
Ang pagpapalawig ng deadline ay batay na rin sa kahilingan ni Mayor Amy Roa Alvarez upang mabigyan ng sapat na haba ng panahon ang mga lokal na negosyo sa paghahain ng kanilang aplikasyon nang walang kauukulang multa o penalty upang mabigyan ng konsiderasyon na makabangon at makapag-ipon ang mga negosyante na apektado ng pananalasa ng bagyong Odette.
“Gusto natin silang bigyan ng sapat na panahon na makabangon o makaipon muna lalo na yung ating maliliit na negosyante na alam natin na malubhang apektado o nasalanta ng nagdaang bagyo,” ayon kay Mayor Alvarez.
Mananatiling bukas para sa mga kukuha ng bagong permit o mag-renew ng existing business permit ang opisina ng Business Permits & Licensing Section (BPLS) na makikita sa tabi ng opisina ng COMELEC sa harap ng Poblacion Gym, dalhin lamang at isumite ang mga kinakailangang dokumento o requirements, kasama ang kaukulang pambayad na batay sa umiiral na kumputasyon ng BPLS.
Magkakaroon naman ng Business One Stop Shop (BOSS) sa mga malalayong barangay sa mga susunod na buwan. “Antabayanan na lang natin ang mabubuong schedule para sa Mobile BOSS sa mga susunod na buwan, kaya yung mga negosyante ay mag-antay na lang sa inyong mga barangay dahil pupunta kami sa inyo” ayon kay G. Rexel A. Rosauro, Licensing Inspector 1.
Ang pag-renew ng business permit ay ginaganap taun-taon sa buong bansa at karaniwang nire-renew ang mga ito bago ang ika-20 ng Enero upang maiwasan ang multa o penalty at mapanatili sa pagne-negosyo bagama’t maaari rin itong gawin quarterly o kada kalahating taon kung nanaisin.

san-vicente-palawan-renewal-of-business-permits-and-licenses
san-vicente-palawan-renewal-of-business-permits-and-licenses