
Mayroong naitalang dalawang aktibong kaso ng COVID-19 ang munisipyo ng San Vicente kagabi, Abril 11, ayon sa inilabas na datos sa COVID-19 tracker ng Municipal Health Office (MHO) ngayong araw.
Isa sa mga naitalang kaso na itinuturing na imported case ay isang babae, 28 taong gulang, mayroong travel history sa lungsod ng Puerto Princesa habang ang isa ay local new case, babae, may edad na 57.
Ayon sa MHO, nagsagawa na sila ng contact tracing. Agaran ding isinailalim sa antigen testing ang mga kinilalang pangunahing nakasalamuha ng mga kompirmadong kaso.
Nagsagawa rin ng disinfection sa mga “contaminated” na lugar at sasakyan.
Ang mga pangunahing nakasalamuha ng mga ito ay kasalukuyang naka-quarantine sa San Vicente Ligtas COVID Facility habang pinayuhan namang magsagawa ng home quarantine ang mga itinuturing na second at third degree contact.
Patuloy namang ipinapaalala ng MHO ang obserbasyon ng mga health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, madalas na paghuhugas at pagsanitize ng mga kamay at ang pagpapanatili ng isang metrong distansya sa bawat isa.
Mahalaga rin umano na palakasin ang resistensya sa pamamagitan ng pagkain ng masusustansyang pagkain, pag-inom ng mga bitamina, ehersisyo at sapat na tulog.
Hangga’t maaari ay hinihikayat ang pananatili sa loob ng bahay maliban kung may mahalagang lakad. Iwasan din umano ang matatao at kumpulan at siguraduhing mayroong magandang bentilasyon.
Ito ang ikalimang kompirmadong kaso ng COVID-19 sa munisipyo simula noong taong 2020.