san-vicente-palawan-travel-guidelines

Muling hihigpitan ang pagbabantay sa mga quarantine checkpoints ng munisipyo ng San Vicente ayon sa napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) ngayong araw, Abril 7, kaugnay ng naitatalang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Puerto Princesa.

Sa direktiba ni Mayor Amy R. Alvarez, muling kakailanganin ng mga residenteng namalagi sa lungsod ng mahigit sa tatlong araw ang medical certificate o health clearance mula sa Bgy. Health Center na pinanggalingan bilang karagdagang requirements sa identification card, travel pass at pagtatala sa manipesto. Sasailalim din ang mga ito sa 10 hanggang 14 na araw na monitoring na isasagawa ng Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTS).

Ang naturang requirements din maliban sa travel pass ang dapat na ipakita ng mga returning residents mula sa lungsod.

Ang mga residente namang nagtungo sa lungsod ng Puerto Princesa at namalagi lamang ng hindi hihigit sa tatlong araw ay kinakailangan lamang magpakita ang kanilang valid ID, travel pass at tala sa manipesto.

Papayagan din ang pagpasok ng mga lokal na turista sa munisipyo kung ang mga ito ay mayroong medical certificate, proof of pre-booking, valid ID, koordinasyon sa Office of the Municipal Tourism at rehistrasyon sa opisyal na website ng munisipyo.

Kinakailangan din ang health clearance para sa mga naghahatid ng pangunahing pangangailangan (delivery of goods).

Tinalakay din sa pagpupulong ang pagbabawal sa paglalaro ng basketball at iba pang palaro na mayroong close contact.

Hiniling din ng alkade ang partisipasyon ng mga residente ng San Vicente na patuloy na magsuot ng face mask tuwing lalabas ng bahay at ang implementasyon ng iba pang health protocols tulad ng social distancing, pag-iwas sa mga gathering at palagiang paghuhugas ng kamay.