san-vicente-palawan-unified-health-protocol

Pormal na inaprubahan ng Municipal Interagency Task Force (MIATF) – San Vicente ang Executive Order No. 47 series of 2021 na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan noong ika-17 ng Pebrero taong kasalukuyan.

Sa pagpupulong na ginanap kanina, ika-19 ng Pebrero, sa Malagnang Hall ng Pamahalaang Bayan ay pinagtibay ng MIATF ang kautusan ni Gobernador Jose Ch. Alvarez na magkaroon ng magkakatulad na implementasyon ng mga protocols ang bawat munisipyo sa lalawigan may kaugnayan sa pag-iingat sa pagkalat ng CoVid-19.

san-vicente-palawan-unified-health-protocol

Ang EO 47 ay nagtatakda ng pagsunod sa kasalukuyang panuntunan at hakbang patungkol sa implementasyon ng community quarantine sa bansa at pag-amyenda sa mga panuntunan sa pangangasiwa ng mga “inbound travellers” sa lalawigan.

Nakasaad dito na ang mga locally stranded individual, returning resident, indispensable traveller at returning overseas Filipino na ba-byahe sa pamamagitan ng commercial flight/ voyage ay kinakailangang magpakita ng RT-PCR negative result, acceptance letter mula sa lokal na pamahalaan na kanyang destinasyon, medical certificate, valid identification card at travel authority.

Ang mga Authorized Person outside Residence (APOR) na kinabibilangan ng uniformed personnel, opisyal at tauhan ng ahensyang nasyunal at mga kaugnay na ahensya ay kinakailangan lamang magpresenta ng valid ID mula sa kinabibilangang ahensya at ang orihinal o certified true copy ng travel authority/order mula sa kalihim ng departamento o ng itinalagang opisyal. Ito ay bilang pagtalima na rin sa inilabas na IATF-EID Resolution No. 98-A, s. 2021.

Samantala, ang mga documentary requirements ng iba pang APOR ay ang mga RT-PCR negative result, travel order o office order, acceptance letter mula lokal na pamahalaan na kanyang destinasyon, valid ID at medical certificate.

RT-PCR negative result, proof of booking sa mga tourism establishment na may certificate of authority to operate mula sa DOT, return flight ticket, medical certificate, approved coordination letter mula sa destinasyong munisipyo at kumpletong travel itinerary na aprubado ng Provincial Tourism Office ang mga dapat na ihanda ng mga turistang bibisita sa alin mang destinasyon sa lalawigan.

Nakasaad din sa naturang EO ang mga documentary requirements ng mga returning overseas Filipino na kasama sa sweeper flight na pinangangasiwaan ng OWWA at ng mga doktor na magbibigay serbisyo sa mga ospital sa lalawigan.

Lahat ng mga “inbound travellers” ay sasailalim sa 14 araw na facility quarantine maliban sa mga mamamalagi ng hindi lalagpas ng anim na araw at ang mga APOR na kabilang sa IATF-EID Resolution No. 98-A, s. 2021.

Ang mga biyahero na magpapakita ng anumang sintomas ng CoVid-19 sa kanilang pagdating sa lalawigan ay hindi papayagang makabyahe sa destinasyong munisipyo kahit na sila ay mayroong negatibong resulta ng RT_PCR at sila ay ididiretso sa Provincial Temporary Treatment and Monitoring Facility kung saan kanilang sasagutin ang gastusin sa pamamalagi.

san-vicente-palawan-unified-health-protocol-2

Ang mga darating na byahero tungo sa mga munisipyo sa pamamagitan ng Puerto Princesa Airport at Seaport ay ihahatid ng Kapitolyo sa PDRRMO Command Center sa Bgy. Irawan, Puerto Princesa City para sa dokumentasyon bago ang mga ito ihahatid sa mga itinalagang point to point transport.

Inaatasan din ang mga munisipyo na mayroong paliparan at daungan na tatanggap ng mga bisita na magtayo ng holding area, magsagawa ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan kung saan patutungo ang mga bisita at magtalaga ng quarantine facility at point-to-point transport.