
Naging matagumpay ang ginawang Bloodletting Activity na ginanap sa Barangay New Agutaya kaninang umaga, Miyerkules, ika-30 ng Setyembre, taong kasalukuyan.Ang nasabing aktibidad na ginawa sa New Agutaya Elementary School ay nakapagtala ng pinakamataas na partisipasyon kung ihahambing sa mga nakaraang katulad na blood donation activity na ginawa sa ibang barangay.Umabot sa 91 katao ang bilang ng dumating upang mag-donate ng dugo subaliāt 86 lang sa matagumpay ng nakuhanan sa kadahilanang 3 sa mga ito ay may mataas na presyon o High Blood Pressure at 2 naman ang underweight o kulang sa timbang.

Buong-buo ang suporta ni Mayor Amy Roa Alvarez sa mga Blood Letting Activities na ginaganap sa munisipyo kung saan kanina pinangunahan pa niya mismo ang pagbibigay ng dugo bandang ika-8 ng umaga. Matatandaang regular na nagdo-donate ng kanyang dugo si Mayor Alvarez sa mga nakaraang bloodletting activity.

Kabilang sa mga nag-donate ang mga miyembro ng Philippine Marines, CAFGU, mga empleyado ng LGU, mga residente ng Bgy New Agutaya at mga karatig na barangay tulad ng Bgy. San Isidro, Alimanguan, New Canipo at Bgy. Binga na hindi ininda ang mahabang biyahe at dumayo pa upang magkapagbigay ng dugo.

Ang aktibidad ay pinanguhan ng LGU-San Vicente, Municipal Health Office (MHO), kasama ng Red Cross at pamahalaang barangay ng New Agutaya.