Nakatakdang ilunsad sa bayan ng San Vicente ang Safety Seal Certification Program sa buwan ng Setyembre kung saan magsasagawa ng inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa mga pangnegosyong establisyemento para matiyak na ligtas ang mga mamimili at kliyente sa banta ng COVID-19.

Ang Safety Seal ay ipagkakaloob sa mga establisyemento bilang patunay na nasusunod at ipinatutupad dito ang minimum public health standards na itinatakda ng pamahalaan at gumagamit ang mga ito ng staysafe digital contact tracing application.

Isa ang lokal na pamahalaan sa itinalagang issuing authority para sa implementasyon ng naturang programa batay sa DOLE-DOH-DILG-DOT-DTI JMC No. 21-01, s. 2021. Ang ilan pang issuing authorities ay ang Department of Tourism, Department of Labor and Employment, Department of Industry at Department of Interior and Local Government.

Ang Inspection and Certification Committee ng Pamahalaang Bayan ang magsasagawa ng inspeksyon sa mga establisyemento tulad ng tingiang tindahan/sari-sari stores, pwesto sa pampublikong pamilihan, kainan at kantin, cash remittance services, bahay paupahan/apartment at restawran.

Upang makakuha ng Safety Seal, kinakailangan na naipatutupad ang minimum public health standards, gumagamit ng staysafe app at may valid mayor’s permit ang isang establisyemento, ayon sa binuong komite.

“Hinihikayat natin ang lahat ng nagmamay-ari ng business establishments na sumunod at makibahagi sa Safety Seal Certification Program. Sa pamamagitan nito ay matitiyak natin na ligtas tayo at ang ating mga mamimili at kliyente sa pagkahawa sa COVID-19,” pahayag ni G. Rexel A. Rosauro ng Business Permits and Licensing Office.

Aniya, maaaring magsagawa ng sariling pagtatasa ang mga nagmamay-ari ng establisyemento gamit ang isang checklist na makukuha sa opisyal na website o sa kanilang opisin. Kung siguradong naipatutupad ang mga hinihingi sa checklist ay maaari nang mag-aplay para sa inspeksyon.

“Magsasagawa kami ng inspection at validation at kung nakita naming compliant o sumusunod sila roon sa hinihingi ng ating checklist ay iisyuhan na natin sila ng safety seal na kanilang ipapaskil sa agarang nakikita o kaya sa bungad ng kanilang establishment,” dagdag pa ng licensing officer ng BPLO.

Ang Safety Seal ay valid sa loob ng anim na buwan. Maaari itong maipawalang-bisa kung may naiulat na paglabag sa alinmang probisyon na nakasaad sa checklist.

Maari rin umanong maging dahilan ito ng pansamantalang pagpapatigil ng operasyon ng isang establisyemento hanggang sa masunod muli ang itinatakdang patakaran kontra COVID-19.

“Kung sila ay may safety seal na at may nakitang paglabag sa public health standards, magi-isyu tayo ng Notice to Explain at sa loob ng 48 oras ay dapat mabigyan nila tayo ng sagot patungkol doon. Kung may pagkukulang pa rin upon validation, bibigyan natin sila ng panibagong dalawang araw para maisaayos at kung hindi ay maaari nating irekomenda sa Alkalde ang pansamantalang pagpapatigil ng kanilang operasyon,” paliwanag pa ni Rosauro.

Ang checklist ay maaaring ma-download sa www.sanvicentepalawan.gov.ph/safety-seal.