Niluwagan na ang travel restriction para sa mga fully vaccinated travellers sa bayan ng San Vicente matapos tanggalin ang negatibong resulta ng RT-PCR test bilang requirement sa kanilang pagbiyahe.

Sa halip na RT-PCR, negatibong rapid antigen test result na lamang ang kinakailangang ipakita ng mga turistang mula sa labas ng Palawan, Returning Residents (RR), Locally-Stranded Individuals (LSI), Authorized Persons Outside Residence (APOR), at Returning Overseas Filipino Workers (ROF).

Ito ay batay sa inilabas na Resolusyon Bilang 11-06 ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19. Epektibo ito simula bukas, ika-3 ng Disyembre.

Ang bagong panuntunan ay kaugnay ng pagpapatibay ng MIATF noong ika-27 ng Nobyembre sa Executive Order No. 83, Series of 2021 ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.

Kinakailangan lamang na maipresenta ng naturang mga byahero ng vaccination card o di kaya naman ng vaccination certificate mula sa vaxcert ng Department of Health (DOH).

Ang lahat ng papasok na magmumula sa labas ng Palawan ay kinakailangan din na rehistrado sa s-pass.ph.

Sasailalim naman ang mga bakunadong LSI, RR at ROF sa pitong araw na home quarantine kung ang mga miyembro ng uuwiang pamilya ay fully vaccinated na rin at may bukod na tutuluyang kwarto.

Pitong araw naman sa facility-based quarantine at karagdagang pitong araw na home quarantine para sa mga hindi pa bakunado o partially vaccinated lang na umuuwing residente.

Samantala, mananatili ang RT-PCR requirement para sa mga ROF, RR, APOR at domestic tourist na hindi bakunado o partially vaccinated pa lamang.

Ang mga domestic tourist, bakunado man o hindi, ay dapat na mayroong return ticket, pre-booking sa mga accredited tourism establishments, travel itinerary, koordinasyon sa Municipal Tourism Office of Emergency Operations Center at dapat na sumunod sa ipinatutupad na travel bubble scheme.

Wala na ring antigen requirements ang mga fully vaccinated tourists mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan at lungsod ng Puerto Princesa.

Ang pagbabago sa panuntunan ay bilang pagsunod sa mga itinatakdang polisiya ng Pamahalaang Nasyunal at Panlalawigan at upang makahikayat ng mas marami pang indibidwal na magpabakuna at makatulong sa pagkamit ng herd immunity.