Aktibong lumahok sa tatlong araw na Mountain Search and Rescue (MOSAR) Drill ang 10 responders/rescuers ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Ang MOSAR drill na inorganisa ng League of MDRRMOs ay ginanap sa bayan ng San Vicente mula Agosto 25 hanggang Agosto 27. Nagsilbing tagapagsanay ang mga kawani ng MDRRMO ng bayan ng Narra.

Isinagawa ang simulation exercise sa Sitio Itabiak sa barangay New Agutaya.

Ayon sa hepe ng MDRRMO-San Vicente, mahalaga para sa kanilang mga rescuers/responders ang regular na pagsasagawa ng simulation drills upang hindi mawala o makalimutan ang mga kasanayan na kanilang inaaral sa mga pagsasanay.

“’Yung sinasabi nga ni PDRRMO Jerry Alili na ‘muscle memory’ [dapat] ay nandoon pa rin [para] in case na may mga calamities katulad ng mga accident specially diyan sa atin sa Sitio Itabiak – ‘yan ‘yung mga critical areas na kapag ka may nahulog na sasakyan ay alam na ng mga responders at rescuers natin kung papaano e-extricate ang mga victims or ang mga involved sa accident,” ani MDRRM Officer Orlando C. Estoya.

Dumalo rin sa gawain ang mga kawani ng MDRRMO ng Taytay, Quezon, Narra, Bataraza, Rizal at El Nido, Bureau of Fire Protection-San Vicente, Provincial DRRMO at Peace and Order Program.

Ayon kay PDRRMO Jerry Y. Alili, iba’t ibang kasanayan ang kanilang muling inaral sa gawain tulad na lamang ng planning and assessment, high-angle rescue, ropemanship at knot tying.

Aniya, sa pamamagitan ng simulation exercises ay magagawa nang mabilis at wasto ang mga kasanayan sa oras ng kalamidad o aksidente upang makapagligtas ng buhay.

“May mga kababayan tayong mga Palaweño na posibleng mapahamak sa ating mga kalsada o mahulog sa bangin. So, hinahanda natin ang ating mga rescue teams, ang mga MDRRMOs at ibang mga kasama natin sa rescue units na masanay o ma-practice ang kanilang mga kaalaman,” ani PDRRMO Alili.

“Basically ito ay review namin ng ropemanship, knot tying ‘yung paggamit ng lubid sa pagbaba at pag-akyat sa mataas na lugar o sa bangin, ang tawag natin ay high-angle rescue at ‘yung kung papaano ginagawa ang planning and assessment para kung anong klaseng strategy or mechanism ang gagamitin kapag kailangang e-extricate ang isang pasyente sa ilalim o sa itaas para dalhin sa ligtas na lugar,” dagdag pa niya.

Samantala, malugod na tinanggap ni Mayor Amy Roa Alvarez ang mga partisipante mula sa ibang munisipyo. Pinasalamatan din niya ang dedikasyon ng mga ito sa pagganap sa kanilang mga tungkulin ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.