san-vicente-palawan-continous-relief-operations

San Vicente, Palawan. Tuluy-tuloy pa rin ang pamamahagi ng tulong ng lokal na pamahalaan ng San Vicente katuwang ang iba pang sangay ng gobyerno at pribadong indibidwal at grupo para sa mga pamilyang sinalanta ng bagyong Odette noong buwan ng Disyembre taong 2021.

Sa bagong datos ng Emergency Operations Center (EOC) ngayong araw, Enero 14, mahigit sa 19,120 food packs na ang naipamahagi sa pangangasiwa ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) sa lahat ng nasasakupang barangay. Sa naturang bilang ay 12, 269 food packs ang naihatid sa mga residente noong unang round ng relief distribution.
Nasa 290 food packs mula sa Go Share ang naipamahagi sa mga katutubo ng Bgy. Alimanguan katuwang ang Marine Battalion Landing Team-3 at Indigenous People’s Mandatory Representative (IPMR) kahapon, ika-13 ng Enero.
Samantala, umabot na sa 3,323 pamilya ang nakatanggap ng emergency shelter assistance (ESA) mula sa lokal na pamahalaan. Katumbas ito ng P16,615,000 halaga na naipamahagi sa pag-iikot ng MSWDO at Office of the Municipal Treasurer sa lahat ng barangay.

san-vicente-palawan-continous-relief-operations

Ang ipinamamahaging P5,000 financial assistance para sa mga apektadong pamilya ay naglalayong makatulong sa pagbili ng mga materyales at iba pang kagamitan para sa pagsasaayos ng mga nasirang tirahan dulot ng nagdaang kalamidad.
Nag-iikot rin ang Municipal Health Office (MHO) sa mga barangay upang mamahagi ng libreng gamot, toilet bowls, insumix, BEANS kit at water purification tablet gayundin ang pagsasagawa ng konsultasyong medikal sa mga residente.
Ang pananalasa ng bagyong Odette sa bayan ng San Vicente noong ika-17 ng Disyembre 2021 ay nag-iwan ng malaking pinsala sa mga kabahayan, sektor ng imprastraktura, agrikultura, turismo at iba pa.
Winasak ng bagyo ang nasa 1,492 bilang ng kabahayan samantalang 7,536 naman ang partially damaged na mga tirahan. Apektado ng bagyo ang 9,931 pamilya sa lahat ng barangay.