san-vicente-pshs-scholarship-program

Ang Philippine Science High School (PSHS) ng MIMAROPA Region Campus ay tumatanggap na ngayon ng mga applikasyon para sa scholarship program para sa school year 2021-2022 ayon sa pinadalang coodinators ng paaralan na opisyal na bumisita sa opisina ng punong bayan, kanina, ika-26 ng Nobyembre, 2020.

Ayon kina Gg. Siegfreix C. Amanca at Bb. Lercy B. Abordo, parehong NCE Coordinator ng nabanggit na paaralan, ang mga kwalipikasyon upang pumasa ang estudyante sa scholarship program ay dapat kasama ito sa sampung porsiyento (10%) na may matataas na grado, may markang 85 o higit pa sa mga paksang matematika at agham noong siya ay nasa grade 5 at nasa maayos na kalusugang pisikal na akma upang sumailalim sa isang mahigpit na programang pang-akademiko.

Ang mga makukuhang skolar ay magkakaroon ng libreng matrikula at libreng pamasahe papunta PSHS Campus na matatagpuan sa Barangay Odiongan, Romblon. Ang mga skolar ay bibigyan pa ng “living allowance” sa halagang P5,800 bawat buwan na sila mismo ang magba-budyet upang diumano ay matutunan nilang pamahalaan ang kanilang alokasyon.

Ang mga mag-aaral na matatanggap ay maninirahan sa itatalagang dormitoryo ng paaralan, bagama’t hindi ito libre mababa naman ito sa halagang P60 sa isang buwan at may bayad din ng P15 kada buwan ang kanilang gagamiting tubig at P20 sa eletrisidad sa bawat gadget na meron sila.

Ang Philippine Science High School nagsimula sa mandato ng Republic Act No. 3661 sa taong 1963 at inorganisa muli noong taong 1998 sa pamamagitan ng RA 8496. Ang paaralan ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Science and Technology (DOST), at nag-aalok ng isang kurikulum na espesyal na nakatuoon sa agham at matematika at nagbibigay ng scholarship sa mga karapat-dapat na mga batang Pilipino mula sa mga pampubliko at maging sa mga pribadong paaralan.