Naisakatuparan na ang 24/7 na pagpapailaw ng sitio Casoyan sa pangunguna ng Pilipinas Shell Foundation Inc. (PSFI) sa pamamagitan ng masigasig na pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ni Mayor Amy Roa Alvarez.

Ang nasabing proyekto ay may halagang P13.5M na pinondohan ng PSFI.  P1.5M ang mula sa LGU-San Vicente. Inilunsad ang pailaw sa nasabing sitio kahapon, ika-5 ng Agosto, kasama ang top management ng PSFI sa panguguna ni Deputy Executive Director Marvi Trudeau at ilang personalidad na nagpakita ng suporta sa nasabing proyekto na sina Governor Jose Ch. Alvarez, former Congressman Tony C. Alvarez, Board Member Juan Antonio E. Alvarez, SB Member Ramir Pablico, SB Menchie Silagan, Kapitan Cesar B. Sales kasama ang iba pang opisyal ng barangay, at ng mga residente sa nasabing lugar.

Hindi maitago ang sayang nararamdaman ng mga residente ngayong mas magiging madali at maginhawa ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay mula sa paghahanapbuhay, pag-aaral, serbisyong pangkalusugan at maliwanag na daan para sa lahat.

Lubos ang pasasalamat na ipinahatid ni Mayor Amy sa pamunuan ng Pilipinas Shell Foundation dahil sa nasabing proyekto at sa mga susunod pang proyekto na kagaya nito sa iba pang mga sitio sa ating munisipyo.

Matatandaan na napailawan din ang sitio Albaguen sa ilalim ng nasabing proyekto noong buwan ng Disyembre nakaraang taon.

“Ito ay isa lamang sa mga proyekto na nais nating maisakatuparan sa ilalim ng aking administrasyon, ang pailaw sa mga hindi abot ng PALECO, at patubig na sa ngayon ay may bilang na 8 sitios ang napunduhan na kabilang din ang pagsasayos ng ating mga water system sa iba’t ibang barangay, pagsasaayos ng ating mga tulay at kalsada at pagpapalago ng ating pangkabuhayan” saad ni Mayor Amy.

Samantala, kasabay ng pagpapasinaya, ang panunumpa sa tungkulin ng mga opisyal ng Casoyan Electric Association (CAELA). Ilan sa mga residente ang sumailalim din sa Basic Electrical Installation and Maintenance Training na sila ring mangunguna upang mapanatili ang maayos na pagpapatakbo ng proyektong pailaw.