san-vicente-palawan-project-save-of-prlec

Inilunsad sa Bgy. Kemdeng sa bayan ng San Vicente ang Sustainable Agriculture for Kemdeng/Villa Fria Enterprise (SAVE) project ng Poverty Reduction, Livelihood and Employment Cluster (PRLEC) noong araw ng Biyernes, Mayo 14.
Benepisyaryo ng proyektong ito ng PRLEC, isang cluster sa ilalim ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC), ang inisyal na 25 katutubo para sa pagsasanay hinggil sa sustainable at organikong pagsasaka.
Sa mensahe ni Provincial Director Richard M. Amparo ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), inilahad niya ang tungkulin ng PRLEC sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa kahirapan at pangkabuhayang problema sa komunidad.
Aniya, ang pagsasanay sa agrikultura ay isang panimulang hakbang lamang ng PRLEC upang maisakatuparan ang “village enterprise” kung saan ay magkakaroon ng tuloy-tuloy na pagkakakitaan at trabaho ang mga benepisyaryo sa Bgy. Kemdeng na isang insurgency-cleared barangay.

san-vicente-palawan-project-save-of-prlec

“Nagsisimula po tayo sa agriculture dahil ang isang objective ng PRLEC ay magkaroon tayo ng food security,” pahayag ni PD Amparo. “Ang pinaka-end result nito ay magkaroon tayo ng empowered community kung saan kayo po ay maging productive kaya ang unang programa natin ay in the form of training.”
Pinasalamatan ni Mayor Amy R. Alvarez ang inisyatibo ng PTF-ELCAC na ilunsad ang naturang proyekto. Aniya, kapaki-pakinabang ang proyektong ito upang maiangat ang kalidad ng pamumuhay ng kanyang mga kababayan sa komunidad.
“Malaking tulong po ito sa ating mga kababayan and I hope that this program will empower our residents and bring prosperity to our municipality,” pahayag ng Alkalde ng San Vicente.
Ayon naman kay Provincial Agriculturist Romeo Cabungcal, malaki ang maitutulong ng Project SAVE sa food security ng lalawigan. Aniya, malaki ang potensiyal ng Palawan sa lalo pang pagpapaunlad ng industriya ng agrikultura. Ang San Vicente, ayon sa kanya, ay mayroong mahigit sa 4,500 hectares na lupaing ginagamit sa pagsasaka at ito ay patuloy na nadaragdagan.
“Sa ating pinasisinayaan sa araw na ito, malaki ang magiging ambag nito sa pagbibigay ng dagdag na kita sa ating mga magsasaka at dagdag na produksyon para sa kasiguruhan ng pagkain natin sa bayan ng San Vicente [at] maging sa buong lalawigan ng Palawan,” ani Cabungcal.
Binigyang diin naman ni Atty. Jefrie Sahagun bilang kinatawan ni Congressman Franz Josef George Alvarez ang kahalagahan ng agrikultura ngayong panahon ng pandemya. Malaking tulong umano ang pagsasanay sa organikong pagsasaka upang masigurong may mapagkukunan ng suplay ng pagkain kaugnay na rin sa pagpapabalik sigla ng turismo sa munisipyo.
“Nagpapasalamat po tayo sa kasapian ng PRLEC ng Task Force ELCAC sa pondo at suportang ibinibigay ng national government para dalhin po ang mga proyektong ito rito nang sa gayon po ang mga kababayan natin [na] alam nating magagaling sa agrikultura [ay] lalo pa pong ma-enhance ang kanilang skills para na rin sa paghahanda sa pagbubukas ng San Vicente sa turista mayroon po tayong maibebentang organic agricultural product,” ani Atty. Sahagun.
Libre ang ibibigay na pagsasanay sa ilalim ng proyekto. Ang mga benepisyaryo ay kinilala sa pamamagitan ng lokal na pamahalaang barangay at National Commission on Indigenous People (NCIP).
Sa huling bahagi ng programa ay lumagda sa pledge of commitment ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kabahagi sa pagtataguyod ng proyektong SAVE.