Malaking tulong para sa mga kababaihan at katutubo ng Bgy. Caruray ang programang pangkabuhayan partikular ang chicken layering na tinanggap ng mga ito mula sa Pamahalaang Bayan ng San Vicente.

Simula noong buwan ng Pebrero ay nagsisimula na silang kumita mula sa produksyon ng mga itlog. Sa isinagawang monitoring ng M.O. Livelihood Team kamakailan, ang bawat asosasyon ay nakapagha-harvest na ng humigit kumulang 63 bilang ng mga itlog kada araw.

Benepisyaryo ng programang ito ang Rural Improvement Club ng Sitio Gawid at Samahan ng mga Katutubong Tagbanua sa Caruray – Panamin at Candamia Chapter.

Ayon sa M.O. Livelihood Team, makikitaan ng “best practice” pagdating sa maayos na pamamahala ng kita ang asosasyon ng Candamia dahil sa pagsunod nito sa “box saving” na itinuro sa kanila kasabay ng pagsasanay sa pangangasiwa ng naturang kabuhayan.

Sa pamamaraang ito ay ibinubukod ang kita sa iba’t ibang bahagi at pagkakagastusan tulad ng association share, vitamins and medicines, feeds at labor and maintenance. Mainam ang pamamaraang ito lalo’t walang bangko na pwedeng paglagakan ng kanilang kinikita.

Tinatayang nasa P15, 000 na ang kinikita ng bawat asosasyon kada buwan, nasa P8, 000 hanggang P9,000 rito ang kanilang buwanang tubo. Malaking bagay ito bilang karagdagang pagkakakitaan ng mga taga-roon.

Nakakapagsagawa na rin ng lending ang asosasyon ng Gawid dahil sa programa.

Patuloy din ang tulong teknikal ng Pamahalaang Bayan upang masiguro ang tagumpay ng programa.

Inaasahan na sa susunod na taon ay madaragdagan pa ang kanilang mga tinanggap na ready-to-lay chickens para sa patuloy na paglago ng negosyong ito.

Samantala, ang naturang proyekto ay isasagawa na rin sa Bgy. Kemdeng kung saan tatanggap ng 100 ready-to-lay chickens ang Kemdeng Women’s Association. Magsisimula ang implementasyon ng programa sa Kemdeng sa buwan ng Agusto sa pamamagitan ng pagsasanay at konstruksyon ng kulungan ng mga manok.

Ang chicken layering ay bahagi ng mga programang itinataguyod sa ilalim ng Gender and Development ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente.