san-vicente-palawan-marine-park-management-council

Upang maayos na mapangalagaan ang karagatang sakop ng Barangay Port Barton, plano ng Municipal Tourism Council na muling itatag ang Port Barton Marine Park Management Council bilang bahagi ng promosyon ng ecotourism sa bayan ng San Vicente.

Nilalayon ng muling pagtatatag ng konseho na magkaroon ng wastong pamamahala at paggamit ng marine park na pangunahing puntahan para sa island hopping activities.

“’Yung Council na ito ay bubuuhin, tutulungan natin ang Bgy. Port Barton na i-activate muli ang Port Barton Marine Park Management Council. Ang objective nito ay para [maisulong ang] pagprotekta at tamang paggamit ng Port Barton Marine Park,” ani Municipal Tourism Officer Lucylyn Panagsagan.

Ayon pa sa kanya, naaayon ang programang ito sa pagsusulong ng Pamahalaang Bayan ng sustinable at inklusibong pamamaraan ng pag-unlad. Sa pamamagitan ng programa ay maiiwasang masira ang likas na yaman ng karagatan para sa direktang kapakinabangan ng iba’t ibang sektor tulad ng pangingisda at turismo.

“Hindi tayo basta-basta magde-develop nang masisira rin ang ating natural resources. So, laging nandoon yung value natin na i-utilize [itong marine park] pero with proper management, hindi ba?,” dagdag niya.

Magiging katuwang sa pagtataguyod ng proyekto ang Municipal Agriculture Office na siyang namamahala sa coastal resource management project ng San Vicente. Bahagi rin dito ang Municipal Environment and Natural Resources at Municipal Planning and Development Office.

“By next week, there will be a preliminary meeting with the stakeholders in the Barangay Government of Port Barton to reintroduce the principle of this project and I’m very sure na yayakapin nila ito dahil they’ve been proposing this already for so long,” pagbabahagi pa ng Municipal Tourism Officer.

Ilan sa mga tinitignang interbensyon ang pagtatalaga ng isang lugar lamang na pag-aangklahan ng mga bangka, pagpapatupad ng carrying capacity sa isang lugar at ang paglalagay ng mga bantay para sa monitoring ng mga aktibidad doon.

“May ginawa kaming carrying capacity assessment. Halimbawa sa sand bar doon, dapat may certain number of tourist lang. Kasi before, nagsasabay-sabay ang nasa 20 bangka sa isang area, that is too much already. So nao-overused ang ating resources doon.”

“Mayroon din tayong iha-hire na Port Barton Marine Park Rangers to guard and to monitor activities regarding dito sa pagma-manage na ito tsaka may apprehension din kung sakaling may makita silang paglabag or hindi magandang pinakita. So nag-allot din po tayo ng budget for that matter,” paliwanag niya.

Malaki ang kontribusyon ng naturang marine park sa industriya ng turismo dahil paborito itong puntahan ng mga bisita para sa island hopping. Napapalibutan ito ng magagandang corals at patok din bilang diving sites.