san-vicente-palawan-travel-guidelines-04-21-2021

Sinimulan na ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19 ngayong araw, Abril 21, ang mahigpit na pagpapatupad ng mga panuntunan sa paglabas at pagpasok ng mga byahero sa San Vicente.
Sa ilalim ng MIATF Resolution No. 0402-2021-A, ang mga uuwing residente na higit sa dalawang araw na namalagi sa ibang munisipyo o lungsod ay dapat na mayroong negatibong resulta ng antigen testing at health clearance mula sa health center ng barangay na pinagmulan.
Ang mga nag-overnight stay o yoong namalagi naman ng isang gabi lamang sa labas ng munisipyo ay dapat na sumailalim sa antigen testing limang araw matapos nitong mag-home quarantine.
Ang mga requirements tulad ng identification card o anumang patunay ng pagkakakilanlan, travel pass at ang pagtala sa manipesto ay kasama rin sa dapat na ipakita sa mga itinalagang quarantine checkpoints ng mga inbound travellers. Ang tatlong ito lamang ang kinakailangan ng nasa turnaround trip o balikang biyahe.
Pansamantala namang hindi tatanggapin ang pagpasok ng mga residente na magmumula sa mga lugar sa lalawigan at lungsod na idineklarang critical zone.
Ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng pamahalaan na nakabase sa San Vicente na mayroong opisyal na biyahe ay dapat namang sumailalim sa libreng antigen testing matapos ang limang araw ng pag-uwi.
Samantala, maliban sa negatibong RT-PCR result, kailangan din ng mga locally stranded individuals (LSIs) at Returning OFW’s na sumailalim sa pitong araw na facility-based quarantine at antigen testing pagkatapos nito.
Ang mga authorized persons outside residence (APORs) na papasok ng San Vicente ay kailangan lamang magpakita ng aprubadong travel/mission order, valid identification card o company ID, pagtatala sa manipesto at negatibong resulta ng antigen testing kung mula lamang sa lalawigan at RT-PCR naman kung mula sa labas ng Palawan.
Ang mga naghahatid ng essential goods kabilang ang online shopping delivery sa loob ng munisipyo ay dapat na magpakita ng valid ID o company ID, pass slip na nagpapahintulot sa pagpasok at paglabas ng mga ito sa parehong araw at health clearance kung ito naman ay magpapalipas ng isang gabi.
Ang mga lalabas ng munisipyo ay dapat pa ring magpresenta ng valid ID, kumuha ng travel pass at magtala sa manipesto bago ang nakatakdang biyahe.
Ang bagong direktibang ito ay kaugnay ng pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 sa munisipyo ng San Vicente.
“Ang kaabalahan na magiging dulot ng paghihigpit sa mga travel protocols ay isang maliit lamang na sakripisyo kung ikumpara natin sa perwisyong matatamo kung magkakaroon ng Hard Lockdown sa ating bayan katulad ng nangyayari sa lungsod ng Puerto Princesa at sa kamaynilaan kung tayo ay magkukumpiyansa at walang gagawing hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng Covid-19 sa San Vicente.” ayon kay Ginang Lorlyn Odruna, isang residente ng bayan.
Patuloy namang hinihikayat ng MIATF ang pagsunod sa itinatakdang standard health protocols tulad ng pagdidistansya ng isang metro sa bawat isa, palagiang paghuhugas at pagsanitize ng kamay, pagsusuot ng face mask at face shield.