san-vicente-palawan-agri-tourism-farm

Nagsisilbing modelo ang PAMANA Agri-tourism Farm ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa pagtataguyod ng organikong paggugulayan. Ayon sa Municipal Agriculture Office (MAO), marami ang tumutungo rito upang matuto at malinang pa ang kaalaman sa agrikultura.
“Nakapamigay tayo ng mga semilya [mula] riyan, ‘yung ready-to-plant na. Tapos ang daming natuto riyan, ang daming pumupunta [para matuto] kung paano ginawa ‘yung mga ginagamit natin na mga inputs. Natuto sila kung paano i-improve ‘yung lupa using ‘yung mga local materials,” pahayag ni Municipal Agriculturist Rufino Clavecilla patungkol sa agri-tourism farm.
Aniya, maganda ang itinatakbo ng naturang proyekto na matatagpuan sa Bgy. Poblacion.
Ito ay bahagi ng mga programang itinataguyod ng lokal na pamahalaan para sa seguridad ng pagkain sa bayan.
Isa sa mga pamamaraang ginagawa rito ay ang paggamit ng rice hull mula sa mga gilingan na kanilang inilalagay sa pinagtatamnan o bedding.
“’Yung mga rice hull ginawa kong bedding sa mga gulay. Tuwing cropping hinahalo iyan for every square meter halos isang sakong rice hull iyan ang nakahalo,” ani Clavecilla.
Patunay ang PAMANA na maaaring makapagtanim ng mga gulay sa mga lupa na itinuturing na marginal soil o may kakulangan sa nutrisyon para sa mga tanim.
“Ang PAMANA ay naging venue natin sa training ng mga tao na sa isang marginal soil pwede ka palang magproduce… ‘Yung bakuran mo i-improve mo lang siya, tuluy-tuloy ang pagi-improve niya using organic inputs na pagdating ng panahon magtaas ang organic accumulation, habang tumatagal ay gumaganda [ang kalidad ng lupa],” ayon pa sa kanya.
Iba’t ibang gulay ang nakatanim sa PAMANA Agri-tourism Farm.
Mayroon ding mga kambing, manok at iba pang poultry animals ang inaalagaan dito.
Ang mga produktong gulay ay naipagbibili at nakapagsusuplay na sa ilang barangay ng San Vicente.
Marami rin ang natulungan ng proyekto pagdating sa pagbibigay ng trabaho. Sa kasalukuyan ay may 15 manggagawa ang nagtatrabaho rito kabilang ang ilang solo parents.
Ang proyektong ito ay sinimulan noong buwan ng Hunyo taong 2020.