san-vicente-palawan-municipal-agriculture-office

Patuloy na namamahagi ng mga buto at iba pang planting materials ang Municipal Agriculture Office (MAO) sa mga magsasaka upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa Bayan ng San Vicente.
Siniguro ni Municipal Agriculturist Rufino I. Clavecilla na sapat ang suplay ng palay sa buong munisipyo. Katuwang ang Department of Agriculture, patuloy din ang pagtataguyod ng mga programa upang mapataas ang produksyon ng palay ng bawat magsasaka.
“Sa palay sufficient tayo riyan. Tuloy-tuloy naman ang production sa ngayon. Tapos ang assistance na ibinibigay ng DA kasama na itong fertilizer voucher program at ang patuloy na pamimigay ng mga seeds,” pahayag ng Municipal Agriculturist.
Ayon pa sa kanya, namahagi sila ng mga planting materials tulad ng kamoteng kahoy at kamoteng bagin sa mga magsasaka noong unang quarter ng taon. Marami sa mga tumanggap ng naturang pananim ang nakapag-ani na.
“Sa ngayon, ang nai-distribute na natin na mga planting materials ng cassava, ‘yung good quality na cassava, nasa 165,000 cuttings na. Ang sa sweet potato nasa 200,000 cuttings naman ang naipamigay natin. Ang iba niyan ay nagharvest na,” ani Clavecilla.
“Tapos sinisigurado rin natin na malagyan ang mga isla ng kamoteng kahoy at saka kamoteng bagin para kung sa panahon ng taghirap mayroon silang mabubunot. Hindi sila maubusan ng pagkain.”
Iba’t ibang uri rin ng buto ng gulay gayundin ng mais ang naipamigay sa mga magsasaka sa barangay.


Nakatakda ring mamahagi ang opisina ng mga semilya ng ube at gabi bilang bahagi ng mga programa sa food security ng munisipyo.
“Mayroon tayong naka-schedule na idi-distribute na nasa tatlong tonelada na semilya ng ube. Tapos mayroon pa tayong naka-schedule na mamigay naman ng magandang klase ng gabi,” pahayag ni Clavecilla.
Plano ring ipakilala ng MAO sa mga Rural Improvement Club (RICs) ang proyekto sa pagpo-proseso ng gabi at ube upang maging powder na magagamit bilang sangkap sa mga lutuin.
“Ngayon magiging project siya ng mga RICs, mga women. P’wedeng itinda sa mga tiyangge. Locally-made, mula sa gabi, ube, cassava at kamote at saka iba pa. Dini-develop pa natin ang konsepto. May mga technology iyan along the way,” aniya.
Itinataguyod na rin sa ngayon ang “Balik Tangkilik Program” sa Bgy. Kemdeng. Ang programang ito ay naglalayong makapaglikha ng mga semilya ng iba’t ibang halamang legume at root crops upang ipamahagi sa mga magsasaka ng San Vicente.