san-vicente-palawan-joins-fire-prevention-month

Ang buwan ng Marso ay Fire Prevention Month.

Nakikiisa ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa obserbasyon ng Fire Prevention Month ngayong taon na may temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi ka Nag-iisa.”

Isinagawa kaninang umaga ang motorcade at Oplan Ligtas Pamayanan (OLP) on the road sa Barangay Poblacion at New Agutaya na pinangunahan ng San Vicente Municipal Fire Prevention Office bilang kick-off ceremony ng pakikiisa sa pangkalahatang obserbasyon.

Sa flag raising ceremony ngayong araw ng Lunes, ika-1 ng Marso, inilahad ni SFO4 Gilmer T Avanceña, BFP na idineklara ang pangatlong buwan ng bawat taon bilang Fire Prevention Month dahil “naitala sa kasaysayan sa ating bansa ang napakaraming sunog pagdating ng buwan ng Marso.”

Ang obserbasyon ay sa pamamagitan ng bisa ng Presidential Proclamation No. 115-A s. 1966 na nilagdaan ng dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

“Salubungin po natin ang … Fire Prevention Month nang may kaalaman at ligtas na pamayanan,” panghihikayat ni SFO4 Avanceña.

“Gawin po natin sa ating tahanan [kung saan] magmumula ang pag-iingat sa mapaminsalang apoy. Tayo po ang magiging first responder sa lahat po ng sakuna.”

Binigyang diin niya na bilang mga “first responder” sa mga maaaring mangyaring sakuna tulad ng sunog, mahalaga na nakarehistro sa “cell phone” ng bawat isa ang mga numero ng mga ahensyang nagbibigay ng responde tulad ng Bureau of Fire, Philippine National Police at Municipal Disaster Risk Reduction Management Office.

Dagdag pa niya, katulad ng pag-iingat na isinasagawa upang makaiwas sa mga masasamang loob at magnanakaw ay dapat ding ikonsidera ang pag-iwas sa pagkakaroon ng sunog sa bawat pamayanan.

“[Kung] paano po tayo nag-iingat sa mga masasamang loob at magnanakaw, doblehin po natin ang pag-iingat po natin [at] kaalaman sa mapaminsalang sunog,” ani SFO4 Avanceña.

Ang San Vicente Municipal Fire Prevention Office ay may numerong 09481502176 at 09532556568.