Itinanghal na kampeon ang Pamahalaang Bayan ng San Vicente para sa Category B ng 2020 Search for Best LGU Solid Waste Management Practices and Response sa panahon na mayroong state of public health emergency sa lalawigan ng Palawan.
Ang patimpalak ay pinamumunuan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO).
Iginawad ang pagkilala noong Hunyo 14 sa gusaling Kapitolyo. Tinanggap ni Acting Municipal Treasurer Ramon Molo at Bb. Kathleen Butil bilang mga kinatawan ng munisipyo ang plake ng pagkilala at gantimpalang nagkakahalaga ng Php400, 000.
Ayon kay G. Ian B. Echanes ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), malaking bahagi ng tagumpay ng programang Solid Waste Management (SWM) ay ang suportang ibinibigay ni Mayor Amy R. Alvarez dito.
“For the past two years, naranasan namin na ang SWM ay binigyan ng malaking budget ng Local Government Unit under kay Mayor Amy Alvarez,” saad ni G. Echanes, Environment Management Specialist II.
“Nagpapasalamat din tayo sa Provincial Government of Palawan for the award na napanalunan natin. Tingin natin ay na-recognize nila ang ating effort towards implementation ng solid waste management program,” dagdag niya.
Ilan, aniya, sa mga tinitingnang pamantayan sa pagpili ng mananalo ay ang uri ng disposal facility na mayroon ang isang LGU, mga aktibidad na isinasagawa ng SWM Board, pagkakaroon ng Material Recovery Facility (MRF) ng mga barangay at ang pagsunod sa SWM plan.
“Sa SWM Plan, titingnan nila ang targets vs. accomplishment. At the end of 10-year plan, na ayon sa batas, we will be diverting 85 percent of your waste produce. Sa total volume that you produce, dapat 15 percent na lang ang dapat na itatapon mo. Nagagawa natin iyon. In fact we exceeded the target, e,” ani G. Echanes.
Siniguro rin na napamamahalaan nang maayos ang mga COVID waste. Aniya, nagsasagawa sila ng disinfection sa mga kagamitang ginagamit sa paghahakot at maging sa mga basura. Sinisiguro rin ang kaligtasan ng mga naghahakot ng basura sa pamamagitan ng paggamit ng personal protective equipment.
Dagdag pa niya, mahalaga na nasusunod ang mga probisyon na nakasaad sa Republic Act No. 9003 o ang “Solid Waste Management Act” kung saan nakapaloob ang segregation at source strategy.
“Kapag ka properly segregated ‘yung basura doon pa lang sa source ay hindi ka na mahirapan mangolekta. May Ordinance No. 17 din tayo, [na] sa bahay pa lang naka-separate na ang basura… Ang mga biodegradable ay maiiwan sa mga bahay for backyard composting tapos ‘yung kukunin ng LGU or no’ng barangay… ay ‘yung non-biodegradable, dadalhin nila sa barangay MRF para i-separate naman further into recyclables, household hazardous waste at reusable.”
Plano rin umano palakasin ng Pamahalaang Bayan ang mga barangay pagdating sa pagpo-proseso ng mga recyclable materials sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga recycling equipment.
Ang paggawad ng parangal ay pinangunahan nina Acting Governor Victorino Dennis M. Socrates at PG-Environment and Natural Resources Officer Atty. Noel Aquino.
Samantala, napanalunan naman ng Bayan ng Roxas ang Category A ng patimpalak.