
Nagsimula nang mamahagi ang Pamahalaang Bayan ng food packs sa mga pamilya na apektado ng implementasyon ng granular lockdown sa San Vicente.
Sa pangunguna ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ay naiabot na ang ayuda sa mga apektadong pamilya ng apat na purok ng Barangay New Agutaya na nakasama sa critical zones dahil sa COVID-19.
Ang ipinamahaging food packs ay naglalaman ng bigas, canned goods, noodles, kape at asukal.
“Ang bigas po kapag above 5 household members ay 20 kilos ang ating ibinibigay. kapag below 4 naman ay 10 kilos,” ani Renea Jabagat ng MSWDO.
Ang ipinamahaging tulong ay may kasama ring sabon at isang litrong zonrox bleach na magagamit sa disinfection.
Target ring mabigyan ang iba pang lugar na apektado ng granular lockdown sa mga barangay ng San Isidro, Poblacion at Alimanguan.
Isinailalim sa granular lockdown ang 11 lugar sa bayan ng San Vicente noong ika-29 ng Mayo upang mapigilan ang tumataas na kaso ng COVID-19.
Matapos nito ay agad na inihanda ng Pamahalaang Bayan ang mga ayudang ibibigay para sa mga apektadong residente na nakatira sa mga critical zones.
Sa ilalim ng dalawang linggong granular lockdown, pansamatalang hindi pinapayagan ang paglabas sa mga tahanan ng mga miyembro ng pamilya. Pinagbabawalan din ang pagtanggap ng mga bisita.
Nagtalaga rin ng mga quarantine checkpoints upang mabantayan ang entry at exit points ng mga tinukoy na critical zones.
Ang hakbang na ito ay batay sa inilabas na Executive Order No. 66 series of 2021 ni Mayor Amy R. Alvarez bunsod ng rekomendasyon ng Municipal Inter-Agency Task Force (MIATF) for COVID-19.
Ang lockdown ay magtatagal hanggang sa ika-13 ng Hunyo taong 2021.