san-vicente-palawan-granular-lockdown-executive-order

Sa inilabas na Executive Order No. 66 series of 2021 ng Pamahalaang Bayan, isinailalim sa dalawang linggong granular lockdown ang mga piling lugar sa Bayan ng San Vicente upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa mga barangay.
Sa nasabing kautusan na nilagdaan ni Mayor Amy R. Alvarez ngayong araw ng Sabado, Mayo 29, ang mga idineklarang critical zones sa mga Barangay ng Alimanguan, New Agutaya, San Isidro at Poblacion ay magkakaroon ng paghihigpit na katulad ng mga panuntunan sa mga lugar na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ilan sa mga dapat sundin ng mga residenteng apektado ng kautusan ay ang pananatili sa loob ng tahanan at pansamantalang hindi pagtanggap ng mga bisita.
Ang mga Barangay Health and Emergency Response Teams (BHERTs) naman ang inaatasan sa pagtugon ng mga pangangailangan o tulong sa mga apektadong kabahayan. Kinakailangan lamang ng mga residente na makipag-ugnayan sa BHERT ng kanilang barangay.
Paiigtingin din ang pagpapatupad ng mga polisiyang may kinalaman sa COVID-19 katulad ng pagsunod sa curfew hours, no authority, no travel policy at gambling and liquor ban. Maglalagay ng mga quarantine control points (QCPs) sa mga apektadong barangay.
Tigil operasyon din ang mga negosyo at iba pang aktibidad sa ilalim ng granular lockdown maliban sa mga pinapayagan sa ilalim ng ECQ.
Ang mga mass gathering ay mahigpit ding ipinagbabawal maliban kung ito ay mahalaga tulad ng pagbibigay serbisyong medikal at iba pang government services at humanitarian activities.
Hinihikayat din ang mga pinuno ng simbahan sa critical zones na gawing virtual o online ang pagsasagawa ng misa pansamantala.
Ang pagsasagawa ng lamay ay lilimitahan lamang para sa mga first at second degree na mga kamag-anak ng namatay. Hindi pahihintulutang makapasok ang mga kamag-anak na magmumula sa labas ng critical zones.
Ang granular lockdown ay nagsimula noong araw ng Sabado, Mayo 29, ganap na alas 8 ng gabi. Ito ay magtatapos sa Hunyo 13 ganap na alas 5 ng umaga. Ito ay maaring ma-extend o palalawigin kung hindi pa rin mapipigil ang pagdami ng kaso sa mga lugar.
Ang kautusan ay batay sa rekomendasyon ng Municipal Inter-Agency Task Force sa Punong Bayan matapos makapagtala ng pagtaas ng local transmission ng COVID-19 sa munisipyo.
Ayon pa rin sa nabanggit na kautusan, ang lockdown ay magbibigay pagkakataon sa lokal ng pamahalaanl na magawa ang mass testing, contact tracing, risk assessment at disinfection sa mga lugar.
Sa kasalukuyan ay mayroong 62 aktibong kaso ng COVID-19 at 192 suspected close contact ang bayan San Vicente.

san-vicente-palawan-granular-lockdown-executive-order
san-vicente-palawan-granular-lockdown-executive-order