san-vicente-palawan-lgu-donates-spray-cans-to-farmers

Ipinagkaloob ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang 12 spray cans para sa mga bagong miyembro ng Banana Producers Association sa Bgy. Sto. Niño noong araw ng Huwebes, Mayo 6.
Iniabot ni Mayor Amy R. Alvarez ang mga knapsack sprayers sa mga benepisyaryo bilang suporta sa industriya ng pagtatanim ng saging sa naturang barangay. Kasama niya sa isinagawang turn-over ceremony sina Municipal Agriculturist Rufino I.Clavecilla, Sangguniang Bayan Member Ramir Pablico at Punong Barangay Victorio Oncepido.
Sa maikling mensahe, binanggit ng alkalde na ang programa ay bilang tugon sa kahilingan ng mga magsasaka na nagtatanim ng saging. Kanya ring pinasalamatan ang Sangguniang Bayan sa pag-apruba ng supplemental budget para sa pagbili ng mga can sprayers.
Malaking bagay ang pagkakaloob ng Pamahalaang Bayan ng kagamitang ito upang mapagaan ang kanilang pagsasaka, ayon sa pangulo ng Banana Producers Association. Gamit ang spray cans, mapapadali na anya ang kanilang paglilinis, pag-spray ng pesticides at maging sa paglalapat ng abono para sa mga dahon ng saging.
“Malaki ang pasasalamat namin sa spray cans na ibinigay ni Mayora. Kasi alam ba natin ‘yung gamit na iyan malaking bagay talaga iyan para sa aming pagsaka sa taniman naming saging. Kailangan na kailangan talaga ang knapsack spray can,” ani G. Danilo Antivo.
Ipinangako rin ni Antivo na kanilang aalagaan at “hindi sasayangin” ang naturang kagamitan. Aniya, ito ay para sa mga bagong miyembro ng kanilang asosasyon na dati ay nanghihiram lamang sa kanila.
Samantala, iniulat naman ng hepe ng Municipal Agriculture Office ang mga programa na itinataguyod ng Pamahalaang Bayan para sa sektor ng agrikultura. Ilan dito ang “Babuyan sa San Vicente “at ang “Balik-tangkilik Program.”

san-vicente-palawan-lgu-donates-spray-cans-to-farmers


Ikinatuwa rin niya na kilala na ang Bgy. Sto. Niño sa produktong saging partikular ang lakatan.
“Ang Sto. Nino ay kilala sa kamoteng kahoy, kilala sa kamoteng bagin, kilala sa mais.
Ngayon kilala na [rin] ang Sto. Nino sa saging,” ani Municipal Agricuturist Clavecilla.
Pinuri naman ni SB Pablico ang mga proyektong isinasakatuparan ng Pamahalaang Bayan sa sektor ng agrikultura, imprastraktura, kabataan at iba pa.
“Bilang committee chairman ng agriculture, natutuwa po ako. Marami pong mga programa ngayon na binigay na naman ng ating lokal na pamahalaan,” pahayag ni SB Pablico.
Ang Sto. Niño Banana Producers Association ay benepisyaryo rin ng programang pangkabuhayan ng Pamahalaang Bayan. Noong buwan ng Enero ay tinanggap nila ang kumpletong kagamitan para sa pagpo-proseso ng produktong saging.
Ang isinagawang turn-over ceremony ay kasabay ng ika-32 anibersayo ng pagkakatatag ng Barangay Sto. Niño na ipinagdiwang sa pamamagitan ng simpleng programa at pagtatanghal na pinangunahan ng mga kabataan doon.