san-vicente-palawan-unified-health-protocol

San Vicente, Palawan. Hinihikayat ngayon ng Municipal Health Office (MHO) ang mga residente ng bayan ng San Vicente na magsagawa ng pagpapakulo o solar disinfection (SODIS) ng tubig bago gamitin bilang inumin o sa mga lutuin.


Epektibo umano ang pagpapakulo ng tubig nang higit sa tatlong minuto o pagbibilad sa araw ng anim na oras upang patayin ang mga mikrobyo na maaaring magdulot ng sakit.


Nagpaalala ang MHO matapos makatanggap ng apat (4) na kaso ng water-borne diseases noong araw ng Miyerkules at Huwebes, Disyembre 22-23. Ang mga kaso ay naitala mula sa Barangay San Isidro (1), Sitio Panindigan Evacuation (2) at Bgy. Poblacion (1).


Nangyari ito limang araw matapos ang paghagupit ng Bagyong Odette sa bayan na nagdulot ng pagkawala ng suplay ng tubig dahil sa mga nasirang tubo at ibang pasilidad ng San Vicente Water Works.


“Kung ano man ang mga information na ibinahagi sa kanila ng Sanitation Team at Municipal Nutrition Action Office at ng MHO, sana talagang i-practice natin at huwag balewalain lalo na sa panahon ngayon,”ani Municipal Health Officer Mercy Grace S. Pablico.


“Unang-una yung sa water, naturuan kasi iyan sila kung paano iti-treat dahil alam naman natin na sa mga balon o poso nanggaling. Anong mga proseso ang gagawin para maging safe for drinking at for cooking. Pangalawa, ýung mga basura, kasi kapag kumalat iyan, ýung kasunod ay sakit ang dala niyan,” dagdag ng hepe ng MHO.


Kontrolado naman umano ang sitwasyon sa kabuuan. Patuloy rin ang Municipal Nutrition Action Office at Sanitation Group sa pagsasagawa ng monitoring at information education campaign sa mga evacuation centers at mga barangay.
“In general controlled pa naman ang cases natin. Ýung MNAO and Sanitation Group tuluy-tuloy po ang monitoring nila unang-una sa evacuation centers and then sa barangay. Na-tap na nila ang mga barangay voluntary sanitary inspector natin. Tuluy-tuloy ang ating IEC. Daily iniikot yan nila kasama ng paghatid ng water supplies sa evacuation,” saad pa ni Dra. Pablico.


PAMAMARAAN SA PAGSASAGAWA NG SOLAR DISINFECTION (SODIS)

  1. Linisin ang gagamiting botelya o plastic bottle sa unang pagkakataon. Kailangan ay 1-2 litro ang tubig inuming lalamanin ng bote.
  2. Lagyan at punuin ng tubig inumin ang bote at takpang mabuti.
  3. Ipatong ang mga bote sa yero o kayaý ipatong ito sa bubong ng bahay na yero.
  4. Direktang ibilad sa araw ang bote hanggang anim (6) na oras. Ibibilad naman ito ng dalawang araw kung maulap ang panahon.
  5. Palamigin sa buong magdamag ang tubig bago inumin.

PAGPAPAKULO NG TUBIG

  1. Pakuluan ang tubig ng hindi bababa sa tatlong minuto mula sa pagkulo upang mapatay ang mga mikrobyo bago ito gamiting pang-inom.