san-vicente-palawan-meedo-advisory

Hinihikayat ngayon ng Municipal Economic Enterprise and Development Office (MEEDO) ang lahat na palagiang mag-imbak ng tubig sa mga kabahayan ngayong panahon ng tag-init.

Ayon sa pamunuan, maaaring makaranas ng paghina ng pressure o mawalan ng suplay ng tubig tuwing araw ang mga kabahayan na nasa mataas na elevation dahil na rin sa pagbaba ng lebel ng tubig sa mga pinagkukunan nito.

“Inaabisuhan namin ang lahat ng mga concessionaire namin sa Water Works System ng San Vicente na mag-ipon ng tubig… Lalo na ang mga area na nasa mataas ang elevation,” ani Municipal Economic Enterprise and Development Officer Edgar T. Andante.

Aniya, 40 porsyento ng suplay ng tubig ang “nawala na” sa mga pinagkukunang ilog.

“Ang level kasi ng reservoir ngayon lalo na dito sa Poblacion – so ang reservoir natin ay 9 feet iyan – kapag umaga [ay] naglalaro na lang siya sa 4.5 or 6 [feet],” sabi pa ni G. Andante.

Mainam umano na ugaliin ang pag-iimbak ng tubig sa mga drum upang makatiyak na mayroong magagamit sa mga bahay.

san-vicente-palawan-meedo-advisory

Makatutulong din ang paggamit ng tabo o kaya naman ang paggamit ng shower na mayroong sprinkle na uri ng shower head sa pagligo upang makatipid sa tubig, ayon sa kanya.

“Sa history ay hindi pa [naman] tayo nawawalan ng tubig kahit noong nakaraang taon na talagang ang dry season ay umabot ng 9 months,” paglalahad ni G. Andante.

Kanya ring ibinahagi na sa ngayon ay gumagawa ng hakbang ang kanilang opisina upang magkaroon ng deep well solar drive na malaking tulong tuwing panahon ng tag-init.

“Nagsurvey na kami na magkaroon tayo ng tinatawag na deep well solar drive. Iyon ang [magsisilbing] gamot during summer. So ‘yung deep well na iyon na solar drive [ay] siya ang tutulong during morning para magfill-in doon sa reservoir ng kakulangan,” paliwanag niya.

Ang nasabing proyekto ay inaasahang makapagpapababa ng operation cost ng water system sa munisipyo.

Noong Marso 26 ay opisyal nang idineklara ng PAGASA ang pagsisimula ng tag-init o dry season sa bansa.