san-vicente-palawan-sangguniang-bayan-office

Ipinagbabawal na sa munisipyo ng San Vicente ang paglikha ng malakas at nakakagambalang ingay ng videoke at iba pang kahalintulad na kagamitan tuwing alas 8 ng umaga hanggang alas 12 ng tanghali.

Ang Ordinance No. 23 s. of 2020 o ang “Prohibiting Videoke and Distractive Noises Ordinance of the Municipality of San Vicente, Palawan 2020” ay naglalayong mabigyan ng tahimik at komportableng kapaligiran ang mga mag-aaral habang sila ay sumasailalim sa online at module class.

Ang online at module class ay ang kapamaraanang ginagamit sa kasalukuyan ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHED) sa pagtuturo bilang panghalili sa pisikal na set-up ng pagsasagawa ng klase upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

Ang indibidwal na lalabag sa ordinansa ay unang sisitahin. Sa pangalawang paglabag ay magmumulta ng Php500 at multang Php1500 naman o isang buwang pagkakakulong sa pangatlong paglabag.

Sa ilalim ng ordinansa, ang mga negosyo o establisyemento ay kinakailangang magkaroon ng “effective soundproofing” upang makontrol ang ingay sa labas ng kanilang establisyemento.

Kinakailangan namang kumuha ng special permit mula sa Office of the Mayor kung ang aktibidad o okasyon na isasagawa ng munisipyo, barangay at iba pang sangay ng gobyerno ay gagamit ng mga kagamitang maglilikha ng malakas na tunog.

Kinakailangan din ng permiso mula sa barangay kung gagamit ng mga kagamitan na may malalakas na tunog para sa pagdiriwang ng mga personal na okasyon tulad ng binyag, kasal, kaarawan, pasko at bagong taon. Ang aplikasyon para sa permit ay kailangang ipaabot sa barangay tatlong araw bago ang okasyon.

Ang pag-apruba sa naturang ordinansa ay bunsod ng paghikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa na magbabawal sa videoke, mga malalakas na tunog at nakakagambalang ingay sa panahon ng pag-aaral ng mga estudyante sa ilalim ng blended learning system.