san-vicente-palawan-hybrid-palay

Patuloy na itinataguyod ng Municipal Agriculture Office ang paggamit ng hybrid palay seeds sa mga sakahan upang lalong mapagbuti ang ani ng mga magsasaka.

Ayon kay Municipal Rice Report Officer Medjie C. Zabalo, patuloy na ipinapakilala ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente ang paggamit ng hybrid na uri ng palay sa mga magsasaka dahil ito ay nakapagbibigay ng mas maraming ani.

Sa tala ng kanilang opisina, mayroong 4.97 metric tons per hectare (mt/ha) na average yield ang naitala ng 166 benepisyaryong magsasaka na gumamit ng kanilang ipinamahaging hybrid seeds noong first cropping. Mayroong 280 ektaryang sakahan sa munisipyo ang natamnan nito.

Ang datos ay mas mataas kung ikukumpara sa 3.4 mt/ha na produksyon ng mga ito gamit ang inbred palay.

“Sa atin ay mataas na [ito] dahil sa experience nila na dati ay inbred lang sila – ‘yung mga paulit-ulit nilang varieties compare to hybrid. Kaya si DA tama lang din na pinu-promote ang hybrid dahil high-yielding siya,” pagtukoy ni G. Zabalo sa promosyon ng Department of Agriculture (DA) na gumamit ng makabagong teknolohiya.

san-vicente-palawan-hybrid-palay

Ito umano ay katugunan sa tumataas na pangangailangan sa bigas bunsod ng pagtaas ng bilang ng mga komukonsumo nito.

Unang ipinakilala ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa munisipyo noong taong 2017 sa pamamagitan ng techno-demonstration.

Maliban sa hybrid ay namahagi rin ang MAO ng 974 bags ng certified seeds sa 706 magsasaka. Ang mga binhi ay mula sa DA at Rice Competitiveness Enhancement Program ng PhilRice. Nagkaroon ito ng 3.53 mt/ha na produksyon noong first cropping.

Namahagi rin ng binhi ang MAO nitong dry season kung saan ay mayroong 164 ektaryang sakahan ang natamnan ng hybrid palay seeds at 871 ektarya gamit ang certified seeds.

Dagdag pa ni G. Zabalo, maliban sa pamamahagi ng libreng binhi ay nagsasagawa rin sila ng tulong teknikal at pagsasanay para sa mga magsasaka ng palay.