Pormal na isinalin ng Pamahalaang Bayan ng San Vicente sa Barangay San Isidro ang paggamit sa bagong rescue vehicle ngayong araw ng Martes, Agosto 10, bilang bahagi ng pagpapaigting ng kaayusan, seguridad at emergency response sa munisipyo.

Pinangunahan ni Mayor Amy Roa Alvarez ang ginanap na turn-over ceremony sa gymnasium ng naturang barangay. Aniya, nakita niya ang pangangailangan na magkaroon ng sasakyan ang sampung barangay ng San Vicente upang mapabilis ang pagresponde sa mga sitwasyong emergency.

“Kailangan talaga ng rescue vehicle per barangay. Nakita ko ang importansya na may rescue vehicle rito sa inyo… Nandito na po ang vehicle, kung may kailangang dalhin sa ospital ay may magagamit na kayo,” bahagi ng mensahe ni Mayor Alvarez.

Lumagda sa usufruct agreement sina Mayor Alvarez at Punong Barangay Remedios T. Pablico kaugnay sa pangangalaga, paggamit at pagmintina ng naturang sasakyan.

“I hope that you use it well. May MOA po tayo so h’wag natin i-violate ‘yung mga agreement. I congratulate you and I turn-over ‘yung public safety and emergency response vehicle sa inyo,” ayon pa sa Alkalde.

Pinasalamatan ni Kapitan Pablico ang Pamahalaang Bayan sa paglalaan ng sasakyan sa kanilang barangay na, aniya, ay kanilang magagamit sa pagtugon sa emergency at iba pang pangangailangan.

Magagamit din ang sasakyan sa pagpapatupad ng mga patakaraan may kinalaman sa COVID-19 bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko, ayon sa hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO).

“Sana po ay mapanatili natin ang kahandaan sa emergency response at sa public safety po sana ay maggamit natin sa pagro-roving, sa pag-implement ng COVID-protocols natin at sa curfew,” ani MDRRM Officer Orlando Estoya.

Kamakailan ay dumating na ang iba pang unit ng 4×4 pickup truck na nakatakdang i-turn-over sa iba pang mga barangay.

Noong ikalawang kwarter ng 2021 ay matagumpay na naihatid ang mga rescue vehicles na inilaan para sa Bgy. Binga, New Canipo, Caruray at Sto. Niño.