san-vicente-palawan-municipal-hall

Ang kick-off ceremony kaugnay ng Fire Prevention Month (FPM) ngayong taon ay nagsimula sa isang maagang motorcade sa mga pangunahing lansangan ng Bgy. Poblacion at New Agutaya na sinundan naman ng Opening Program sa harap ng San Vicente Fire Station(SVFS) ngayong araw, ika-2 ng Marso, 2022.


Ang aktibidad ay pinangungunahan ng opisina ng San Vicente Fire Station at dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya at opisina tulad ng DILG, MPSEP, MDRRMO, LGU, RMFB, SVMPS, PCG, MBLT at iba pa.


Ang taunang pagdiriwang ay alinsunod sa Proclamation No. 115-A s.1966 na nagdedeklara sa buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month (FPM) na itinakda bilang pundasyon para sa isang Nationwide Awareness Campaign para sa pag-iwas at paglaban sa sunog. Ang buwan ng Marso rin ang panahon ng taon kung saan nagkakaroon ng pinakamataas na tala ng insidente ng sunog sa bansa ayon sa datos na inilabas ng National Statistical Coordination Board.


Ang pagdiriwang ngayong taon ay may Temang “Sa Pag-iwas sa Sunog, Hindi Ka Nag-iisa”.
“Sa pag-iwas sa sunog, hindi po ang BFP lamang ang may kakayanan at gagampanan, hindi sya nag-iisa,kasama tayo, hindi tayo nag-iisa [mga ahensiya ng gobyerno], dahil kailangan natin ang tuwirang pang-unawa at aktibong pagkilos ng ating mamamayan. Magagawa lang natin ito sa patuloy na adbokasiya, patuturo at paglilipat sa kanila ng kaalaman at kasanayan” wika ni MLGOO Rustico B. Dangue.


Sa mensahe ni SFO4 Gilmer T. Avanceña ng hepe ng San Vicente Fire Station, dapat umano ay may nakahandang plano na agad ang bawat tahanan sakaling magkaroon ng sunog, at dapat may kaalaman ang bawat miyembro ng pamilya kung paano apulahin ang apoy dahil sila mismo ang unang reresponde kapag may sunog sa kanilang lugar.


“Alamin din natin kung paano tayo maliligtas sa mapaminsalang sunog; una, yung mga bahay na may kakayanang bumili ay dapat nang bumili ng mga Fire Alarm System na kahit natutulog ay gigisingin sila ng alarm kaya napaka-importante yan.”


“Pangalawa, dapat palaging may impok o stock na tubig sa bawat bahay na magagamit sakaling nag-umpisa ang apoy. Basic na basic yan, hindi pupuwede na wala tayong naka impok na tubig sa mga tahanan, na kung kailan may emergency ay saka ka pa maghahanap ng tubig.”
“Dapat din natin alamin kung paano tayo maliligtas [kung may sunog], dapat meron tayong exit plan, hindi tayo dapat pumayag na mata-trap sa ating mismong tahanan.”


“Alamin kung anu-ano yung mga safety tips upang maiwasan ang mapaminsalang sunog at higit sa lahat ay alamin ang telephone number ng Bureau of Fire Protection upang maitawag agad at mabilis na makatulong ang ating opisina.” Pagpapaliwanag ni SFO4 Avancena.


Pinasalamatan din ng hepe ng SVFS ang lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Amy Alvarez sa pag-donate ng 1400 sqm na lote at Fire Truck para sa operasyon ng kanilang opisina na nagging dahilan upang maging ganap na Fire Station ang noo’y Fire Prevention Office lang.


Ilan sa mga aktibidad na nakahanda kaugnay ng FPM ay ang pagkakaroon ng Fire Safety Training sa ika 14 at 15 ng Marso, limang araw na Forest Fire Training na isasagawa ng opisina ng DENR ika-21 hanggang 25 ng buwan kung saan magkakaroon umano ng actual fire fighting scenario na gaganapin sa isan Sitio ng Buayan Island at magkakaroon din ng isang araw ng training para sa AFP.


Maliban dito ay magpapatuloy naman ang pagpapatupad iba pang programa at serbisyo ng SVFS tulad ng Oplan Ligtas na Pamayanan(OLP), Bumbero Kaagapay Ligtas na Paaralan, Kaisa Program at Fire Safety enforcement sa lahat ng mga gusali, struktura at pasilidad alinsunod sa Fire Code of the Philippines.