san-vicente-palawan-bawas-singil-sa-tubig-1

Hinihiling ni San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez sa Sangguniang Bayan na bawasan ang singil sa tubig upang makatulong sa mga konsumer ngayong may nararanasang pandemya.
Sa sulat na ipinaabot ng Alkalde sa Sangguniang Bayan noong araw ng Miyerkules, Hunyo 30, ipinanukala nitong bumuo ng ordinansa na magpapababa ng kalahating porsyento sa kasalukuyang water tariff rates sa munisipyo.
Kung mabibigyang aksyon, makikinabang sa naturang panukala ang lahat ng customer sa mga barangay na sini-serbisyuhan ng San Vicente Water Works na pinamamahalaan ng Municipal Economic Enterprise and Development Office.
Nakasaad din sa sulat na ang pagbabawas sa singil ay sisimulan sa unang buwan ng taong 2021 hanggang sa matapos ang itaas ng Pangulo ang public health emergency sa bansa.
Sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng Isang Daang Piso ang kada sampu metriko kubiko o ang tinuturing na minimum rate ng tubig sa San Vicente.
Sa ilalim ng panukala, ang isang kabahayan na may average monthly bill na P100 ay magbabayad na lamang ng halagang P50 sa kada 10 metriko kubikong konsumo sa tubig. Ganoon din ang magiging senaryo sa singil sa tubig para sa mga establisyementong pangkomersyal.
Bagaman ang naturang panukala ay mangangahulugan ng pansamantalang pagbaba ng kita ng lokal na pamahalaan sa serbisyong patubig, naniniwala si Mayor Alvarez na madali itong mababawi sakaling matapos ang pandemya at magsimulang sumiglang muli ang industriya ng turismo.
“Mas may sapat na kakayanan ang ating lokal na pamahalaan upang madaling makabangon kung ikukumpara sa mga kababayan nating naghihirap dahil sa epektong dulot ng pandemya,” pahayag ng Alkalde.
“Nakikita ko na ang pagbabawas ng kanilang bayarin sa tubig ay magdudulot ng kahit papaano’y kaginhawaan pagdating sa kanilang pinansyal na pangangailangan,” dagdag pa ni Mayor Alvarez.
Kasama din sa pinanukala ni Mayor Alvarez na ibaba sa kategoryang residential ang mga negosyong nag apply ng temporary at permanent closure sa barangay. Gayun din, minungkahi niya na itaas naman ng limang metro kubiko ang minimum mula 10 pataas sa 15 magmula sa susunod na taon.

san-vicente-palawan-bawas-singil-sa-tubig-2
san-vicente-palawan-bawas-singil-sa-tubig-2