Nagsimula nang magbakuna kontra COVID-19 ang Municipal Health Office (MHO) sa mga batang may edad 12 hanggang 17 sa bayan ng San Vicente.

Ayon sa MHO, sinimulan nila ang pagbabakuna sa naturang age group kahapon, ika-8 ng Nobyembre, kung saan 54 na kabataan ang tumanggap ng unang dose ng Pfizer vaccine sa Barangay Sto. Niño.

“Sa Sto. Niño tayo kahapon upang magbakuna ng mga edad 12 to 17. Maganda [itong simulain sa] prevention natin na magkaroon sila ng malulubhang sakit tulad ng mga sintomas sa COVID. Mukhang bukas na po ang kanilang kaisipan sa bakuna, so, natatanggap na unti-unti sa populasyon natin [ang patungkol sa magandang maidudulot nito],” ani Assistant Municipal Health Officer Bonifacio Estorninos.

Aniya, sa pamamagitan ng vaccination roll-out sa mga menor-de-edad ay mapatataas pa ang porsyento ng mga bakunado at makatutulong upang maabot ang herd immunity sa munisipyo. Pareho lang din umano ang pagbabakunang ito sa mga nakatatanda.

Kinakailangan lamang na may kasamang guardian o magulang ang bata sa oras ng kaniyang pagtungo sa vaccination site.

“Pati yung doses ay same lang naman ng binibigay. Ngunit dahil sila ay minor, kailangan lang natin magsecure ng waiver o consent na pipirmahan nong guardian nila o magulang na kasama nila… Hindi po kami tumatanggap kapag wala silang kasama na nasa legal age,” saad ni Dr. Estorninos.

Ngayong araw ng Martes ay maraming kabataan ang pumila sa Municipal Gymnasium sa Barangay Poblacion upang magpabakuna. Dalawa sa mga ito ay anak ni Gng. Charife Abutal.

“Willing akong pabakunahan ang aking mga anak para sila ay magkaroon ng proteksyon sa COVID-19 at syempre malaking tulong ito sa kanila kung magkakaroon na ng face-to-face classes,” ani Gng. Abutal.

Ang pagbabakuna sa naturang age group ay magpapatuloy bukas, ika-10 ng Nobyembre, sa Bgy. New Agutaya (New Agutaya Gym).

Isasagawa rin ito sa Bgy. Port Barton (Port Barton Gym) sa araw ng Huwebes at sa Sitio Albaguen, Port Barton sa araw ng Biyernes.

Tuluy-tuloy pa rin ang vaccination roll-out sa mga may edad 18 pataas. Sa datos ng MHO noong ika-5 ng Nobyembre, mayroon nang 7,864 ang fully vaccinated.

Ito ay nasa 33.53% ng 23,455 na total target population na mabigyan ng bakuna. Nasa 5,548 naman ang tumanggap na ng 1st dose.