san-vicente-palawan-receives-organic-waste-shredder-and-rotary-composter

Tinanggap ng lokal na pamahalaan kamakailan ang dalawang bagong kagamitan na donasyon ng Environment Management Bureau (EMB) MIMAROPA bilang suporta sa implementasyon ng Solid Waste Management (SWM) Program sa bayan ng San Vicente.

Ayon sa Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), dumating sa bayan ang isang yunit ng organic waste shredder at isang yunit ng rotary composter noong ika-29 ng Disyembre.

Ipinagkaloob ito ng EMB dahil sa nakikitang maayos na implementasyon ng mga polisiya may kinalaman sa SWM program.

“Support nila (EMB-MIMAROPA) ito sa ating Solid Waste Management Program kasi nakitaan nila tayo ng compliance roon sa ginagawang policy ng DENR with regards to SWM,” sabi ni G. Ian B. Echanes ng MENRO.

san-vicente-palawan-receives-organic-waste-shredder-and-rotary-composter

Aniya, ang tinanggap na organic waste shredder ay may kakayahang magproseso ng 300 kilo kada oras ng mga basura tulad ng market waste at mga sanga ng puno na may diameter na hindi lalagpas sa isa o dalawang pulgada. Samantalang isang tonelada ng biodegradable waste kada isang batch naman ang kakayahan ng ipinagkaloob na rotary drum composter.

Dagdag pa niya, mapapabuti ng naturang mga kagamitan ang pamamahala sa biodegradable waste lalo sa market waste ng bayan.

“Malaking bagay ito. Ang unang problema riyan ay market waste, e. How we will be going to address market waste dahil magkakaproblema tayo rito kapag ka lalaki ang ating palengke, dadami ang tao, maraming mamimili at maraming basura ang maipu-produce na biodegradable. Ýun ang dahilan ng pamamaho kasi ng palengke natin kapag hindi na-manage ang market waste,”ani G. Echanes.

Ang malilikhang organikong pataba sa pamamagitan ng dalawang bagong kagamitan ay maaari namang magamit sa organikong pagsasaka.

Matatandaan na noong nagdaang taon ay itinanghal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang San Vicente bilang kampeon sa 2020 Search for Best LGU Solid Waste Management Practices and Response.

“Tuloy-tuloy lang ang ating ginagawang pagsisikap pagdating doon sa compliance sa Republic Act No. 9003,”dagdag pa ni G. Echanes.

Photo Courtesy to Sir Echanes (MENRO)