san-vicente-palawan-unified-health-protocol

Nilagdaan na ni Mayor Amy R. Alvarez ang ordinansa na magbibigay ng honorarium sa mga Sangguniang Kabataaan (SK) councilors, SK secretary at SK treasurer ng bawat barangay ng munisipyo ng San Vicente.

Ang Ordinance No. 04 s. 2021 ay pormal na inaprubahan ng Punong Ehekutibo noong ika-19 ng Pebrero 2021. Sa pamamagitan ng ordinansa ay makakatanggap ng P500 suportang pinansyal kada buwan ang mga naturang miyembro ng Sangguniang Kabataan.

Layunin ng ordinansang inakda ni SK Federation President Mark Anthony D. Tabangay na matulungan ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan na kabahagi at gumaganap sa mga tungkulin para sa patuloy na promosyon ng kapakanan ng mga kabataan sa mga barangay.

“Nagpapasalamat po tayo sa ating mga kasamahang SB Members sa legislative sa pangunguna ng ating Vice-Mayor sa pagsuporta sa ating panukalang ordinansa at sa ating Mayor sa pag-apruba,” saad ng SK Federation President.

san-vicente-palawan-ordinance-to-grant-honorarium-to-sk-1
san-vicente-palawan-ordinance-to-grant-honorarium-to-sk
san-vicente-palawan-ordinance-to-grant-honorarium-to-sk
san-vicente-palawan-ordinance-to-grant-honorarium-to-sk

Nakasaad sa guidelines ng ordinansa na ang pagbibigay ng naturang honorarium ay nakabase sa pagdalo ng mga ito sa regular at special session na isinasagawa ng Sangguniang Kabataan.

Napag-alaman pa kay SK Tabangay na ang pagkakaroon ng naturang ordinansa ay isang katuparan ng “matagal na nating pangarap at ng mga nagdaang SKs sa ating bayan.”

Nakasaad pa sa Ordinance No. 04 s. 2021 ang kahalagahan ng mga gawain at kontribusyon ng mga SK councilors, SK secretaries at SK treasurers sa pagpapalakas ng sektor ng kabataan sa munisipyo.

“Makakaasa po ang ating Lokal na Pamahalaan sa mas aktibong pakikilahok ng mga Sangguniang Kabataan sa ating mga programa at proyektong pangkaunlaran lalo’t higit kung ito’y para sa ating mga kabataan,” pagsisiguro ni SK Federation President Tabangay. “Makakaasa po kayo na patuloy po tayong magiging boses ng Kabataan sa ating Sanggunian at Lokal na Pamahalaan.”